News & Current Events

COASTAL CLEAN-UP, NAKATAKDANG ISAGAWA NG PALAWAN BANTAY TURISTA

Nakatakdang magsagawa ng coastal clean-up ang Palawan Bantay Turista Office sa Port Barton, San Vicente na gaganapin sa ika-30 ng Hulyo, taong kasalukuyan. Ito ay sa pakikipagtulungan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), Palawan Rescue 165 at ng komunidad. Layunin nitong makatulong sa komunidad ng Port Barton na mapangalagaan at mapanatiling malinis ang baybaying-dagat nito. Inaasahan din na sa pamamagitan nito ay mahihikayat ang mga residente na ipagpatuloy ang regular na coastal clean-up drive sa kanilang lugar at maitaas ang kamalayan ng mga ito at tuluyang mapangalagaan ang kapaligiran lalo na at ang Port Barton ay isang major tourist attraction. Ayon kay G. Gilbert S. Baaco, PDRRMO Head at Program Manager, inaasahan na mapanatili ang kalinisan hindi lamang ang baybaying-dagat kundi maging ang karagatan nito. Ang magkakalapit na mga isla sa Port Barton ang ilan sa mga paboritong puntahan ng mga lokal at dayuhang turista. Layon din ng coastal clean-up na maiwasan ang anumang banta ng sakit sa mga turista at residente dulot ng maruming baybayin. Ayon sa impormasyon na ibinigay ng ilang mga residente sa nasabing lugar, napananatili nila ang mataas na tourist arrival sa lugar kaya nararapat na pagtuunan ang kaligtasan at seguridad pangkalusugan ng mga turista at mga residente nito. Napag-alaman naman kay Gng. Roselee B. Buenconsejo, Program Coordinator at PDRRMO for Media and Training, na ito ang kauna-unahang coastal clean-up na isasagawa sa Port Barton. May plano ring magtayo ng Bantay Turista Desk sa nasabing lugar maliban sa tanggapan na ilalagay sa mismong bayan ng San Vicente. Ito ay upang mas matutukan ang ilang initial tourism risk assessment ng tanggapan sa nasabing lugar. Ang isla at ang mga baybayin at karagatan ng Port Barton ang isa sa maituturing na magandang atraksyon na ipinagmamalaki ng mga residente nito. Ang Palawan Bantay Turista ay isang espesyal na programa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa ilalim ng pamumuno ni Gob. Jose Ch. Alvarez na nakatuon sa Tourism Risk Management.

Read All News