PALAWAN, NAIS NA MAISAMA BILANG REGULAR TESTING CENTER PARA SA LICENSURE EXAMINATION FOR TEACHERS

Blog Single

Aprubado na sa ika-124 na regular na sesyon ng 42nd Sangguniang Panlalawigan ang resolusyong iniakda ni Board Member Sharon Abiog-Onda na humihiling sa Professional Regulation Commission (PRC) na maisama ang lalawigan ng Palawan bilang isang regular testing center para sa mga kukuha ng Licensure Examination for Teachers (LET).

Nakasaad sa resolusyon na ang PRC ay itinatag bilang isang national government agency sa bisa ng Presidential Decree No. 223 na nilagdaan ni dating Pangulo Ferdinand Marcos noong taong 1973 upang ma-regulate ang iba’t ibang propesyon sa bansa.

Kabilang din sa mandato ng PRC ang pagsasagawa ng mga pagsusulit (licensure examination) sa mga nais na maging propesyunal sa kanilang napiling larangan at ayusin ang mga pagsasanay ng mga propesyunal sa larangan ng kalusugan, pagne-negosyo, edukasyon, social sciences, engineering at teknolohiya.

Ayon kay Board Member Onda, malaki ang ginagastos ng bawat Palaweño na nais kumuha ng licensure exam dahil kasama sa kanilang gastusin ang transportasyon at tirahan para sa mga nakatira sa malalayong lugar.

“Mahalaga na mag-request tayo sa PRC na maging regular testing center ang Palawan, para makatulong tayo sa mga nais maging guro na makatipid sa gastusin nila. Hindi na rin sila maghahanda ng malaking halaga ng pera para makakuha ng exam,” ani Board Member Onda.

Base sa PRC Resolution No. 1127 series of 2018, nakatakdang isagawa ang susunod na Licensure Examination for Teachers ngayong Marso 2019.

Samantala, nagsilbing testing center sa September 2018 LET ang Manila, Negros Occidental, Baguio City, Marinduque, Misamis Oriental, Oriental Mindoro, Northern Samar, Cebu City, Davao City, General Santos City, Iloilo, Cotabato, Ilocos Norte, Albay, Quezon, Occidental Mindoro, Masbate City, Romblon, Pagadian City, Puerto Princesa City, Palawan, Pangasinan, Leyte, Cagayan, Catanduanes at Zamboanga City

Copyrights © 2019 Designed/Maintain by the Provincial Information Office
piopalawan@gmail.com · 7230590 ·www.palawan.gov.ph