PONDO NG PROGRAMANG PANG-EDUKASYON PARA SA PALAWEÑO PARA SA TAONG 2019, APRUBADO NA SA SANGGUNIANG PANLALAWIGAN

Blog Single

Ipinasa sa ika-124 regular na sesyon ng 42nd Sangguniang Panlalawigan ang resolusyong iniakda ni Board Member Leoncio Ola na nagbibigay pahintulot kay Gob. Jose Ch. Alvarez na ma-utilize o magamit ang P45,645,000.00 pondo na inilaan para sa Programang Pang-edukasyon Para sa mga Palaweño o PPP para sa taong 2019.

Mula sa pondong ito, mababayaran na ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga dati at kasalukuyang obligasyon nito sa Palawan State University, Western Philippines University, Vocational Training Institution at iba’t ibang Colleges of Medicine sa bansa na mayroong mga benepisyaryo o iskolar sa ilalim ng nabanggit na programang pang-edukasyon.

Nakasaad sa resolusyon, ang PPP ay isa sa pangunahing programa sa ilalim ng I-HELP (Infrastracture, Health, Education, Livelihood and Protection of the Environment) na ipinatutupad ng administrasyon ni Gob. Alvarez.

Naniniwala ang gobernador na sa ilalim ng PPP ay mabibigyan ng sapat na edukasyon ang mga mahihirap at nangangailangang Palaweño na makapag-aral sa kolehiyo o makakuha ng technical courses na maaaring makatulong sa pagpapaunlad ng kanilang pamumuhay.

Marami nang mga benepisyaryong nakapagtapos sa ilalim ng programang pang-edukasyon ni Gob. Alvarez, kabilang dito ang mga nakapasa nitong 2018 Physician Licensure Examination na sina Dr. Pennsylvania O. Baluyut mula sa Bgy. Punta Baja, Rizal; Dr. Joel Victor P. Rabanal mula Poblacion, Bataraza; Dr. Daylara B. Silva at Dr. Harold Ian C. Iquin mula sa Bgy. Sta. Monica, Puerto Princesa City; Dr. Emmanuel D. Alfaro Jr. ng Bgy. Poblacion, Narra; Dr. Ariane May G. Dacillo ng Bgy. Bancal, Agutaya; at Dr. Shaiyna Nur O. Mangaccat mula sa Bgy. Cocognan, Aborlan.