P45.6 M PONDO, INILAAN NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN PARA TULONG MATRIKULA

Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery

Naglaan ng P45.6 milyong pondo ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa taong 2019 bilang pantulong-matrikula para sa pag-aaral ng mga benepisyaryo ng Programang Pang-Edukasyon para sa Palaweño (PPP).

Ang programang pang-edukasyon ay isa sa mga prayoridad ng pamunuan ni Gob. Jose Ch. Alvarez sa ilalim ng kanyang IHELP o ang Infrastructure, Health, Education, Livelihood and Protection of the Environment program.

Ang naturang pondo ay nakalaan para sa pag-aaral ng mga mahihirap na Palaweñong kumukuha ng kursong medisina at ng kursong technical at vocational. Kasama rin sa pondong ito ang pambayad sa iba pang mga obligasyon ng naturang tanggapan noong mga nakaraang taon.

Ayon sa tanggapan ng IHELP Education Unit, ang programang ito na sinimulan noong taong 2013 ay nakalinya sa pagsusumikap ng Pamahalaang Panlalawigan na maiangat ang antas ng pamumuhay ng bawat Palaweño at mabigyan ng mga pangunahing kinakailangang interbensyon ang bawat mamamayan tulad ng serbisyong medikal.

“Kaya ginagawa ito ni Gob. Jose Alvarez partikular [ang pagtulong] sa mga kumukuha ng medicine [ay upang] mabigyan ng doktor o espesyalistang doktor ang bawat ospital na ipinapatayo ng ating Provincial Government,” pagpapaliwanag ni G. Aldrin L. Nepomuceno ng Education Unit.

Ang mga magtatapos na medical scholars at makakapasa sa Licensure Examination for Physicians ay kailangang magserbisyo sa mga ospital sa lalawigan.

Sa kasalukuyan ay mayroong 110 medical students at 10,452 mag-aaral na kumukuha ng kursong technical at vocational ang sinusuportahan ng Pamahalaang Panlalawigan.