FARM TOURISM, MAAARING MAGBIGAY NG MARAMING OPORTUNIDAD SA LALAWIGAN, AYON SA PROVINCIAL TOURISM OFFICE

Blog Single

Inaasahang makapagbibigay ng maraming oportunidad sa sektor ng turismo gayundin sa industriya ng agrikultura ang pagsusulong ng farm tourism sa lalawigan ng Palawan na itinuturing na isang agricultural province.

Kaugnay nito, hinihikayat ni Provincial Tourism Officer Maribel C. Buñi ang mga may-ari o nagsusulong ng farm tourism sites sa lalawigan na magpa-accredit na sa Agricultural Training Institute (ATI) upang opisyal na kilalanin ng Department of Tourism nang sa gayon ay pormal nang makapag-imbita at makatanggap ng mga bisita o turista.

“Ngayon we are encouraging our farm tourism sites to be accredited first by the ATI or Agricultural Training Institute, kasi nagstart muna sila as isa lang muna bago pa po ma-accredit ng Department of Tourism, that’s the time na we can receive guests talaga if you are a farm lodge or simply farm site lang, day farm parang ganyan” ani ni Buñi.

Aniya, isa sa mga pangunahing layunin ng farm tourism ay upang maranasan at aktuwal na makita ng mga tutungo ritong mga local o foreign tourists ang mga pangunahing gawain o buhay sa bukid, gaya ng pagtatanim at pag-aani ng palay gayundin ang fruit picking depende sa kung anong prutas ang available sa bawat season.

Samantala, isa rin aniya sa kagandahan ng pagsusulong ng farm tourism ay ang layunin nito na matulungan ang mga ordinaryong mga magsasaka dahil maaari silang magkaroon ng hanapbuhay mula sa mga turistang tutungo sa kanilang lugar.