PAMAHALAANG PANLALAWIGAN, NAGLABAS NG KAUTUSAN HINGGIL SA PAGPAPANATILI NG MINIMUM HEALTH STANDARDS SA GUSALING KAPITOLYO PARA SA KALIGTASAN NG MGA EMPLEYADO

Naglabas ng kautusan ang Pamahalaang Panlalawigan hinggil sa mga hakbang na dapat gawin para mapanatili ang minimum health standards sa gusaling kapitolyo upang matiyak ang kaligtasan ng mga empleyado habang patuloy na nagbibigay serbisyo sa publiko sa kabila ng banta ng COVID-19.

Ito ay sa pamamagitan ng Executive Order No. 72 series of 2020 na may titulong “AN EXECUTIVE ORDER REITERATING MINIMUM HEALTH STANDARDS IN THE PROVINCIAL GOVERNMENT OF PALAWAN WORKPLACE” na nilagdaan ni Gob. Jose Ch. Alvarez kahapon, ika-24 ng Hunyo, taong kasalukuyan.

Ang nasabing direktiba ay may kaugnayan na rin sa mga naitala nang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod at lalawigan kung saan nakasaad sa naturang kautusan na kinakailangan na magkaroon ng foot bath, non-contact forehead thermometer at hand disinfectant ang bawat entry points ng kapitolyo upang matiyak na ligtas ang mga empleyado. Samantala, hindi naman papayagang makapasok sa kapitolyo ang sinuman na mayroong lagnat, ubo at sipon at nagtataglay ng 38 degrees celsius na temperatura pataas.

Ang lahat nang tutungo sa kapitolyo ay kinakailangan rin na magsulat ng mga impormasyon sa logbook bago pumasok gaya na lamang ng pangalan, edad, address, contact number, opisina na kanilang pupuntahan at layunin ng kanilang pagtungo dito.

Ang Pamahalaang Panlalawigan magpapatupad ng tinatawag na skeleton (skeletal) workforce na 50 percent operating capacity upang mapanatili ang physical distancing ng bawat empleyado. Kaugnay nito kinakailangan na magsumite ang bawat opisina ng kani-kanilang working schedule sa Provincial Human Resource Management Office. Habang ang mga senior citizens, buntis at PWD naman ay mariing pinapayuhan na sumailalim na lamang sa work from home arrangement.

Maliban rito, ang bawat tanggapan ay kinakailangan rin na magtalaga ng isang lugar sa tapat ng bawat pintuan upang doon magsagawa ng anumang transaksiyon sa mga kliyente.

Kinakailangan ring magtalaga ng isang lugar kung saan papayagang magbenta ang lahat ng mga vendors sa kapitolyo upang hindi na kailangan pang pumasok ang mga ito at umikot sa bawat opisina.

Samantala, nakasaad rin dito na ang sinuman na mayroong transaksiyon sa Incident Management Team (IMT) ng PDRRMO ay kinakailangan na makipag-ugnayan muna sa kanilang hotline numbers bago papayagang makapasok sa VJR hall. Ang mga empleyado naman ng Palawan Rescue 165 at grupo ng IMT na sumasalubong ng mga dumarating na returnees sa paliparan at sa pier ng lungsod ay kinakailangang magsuot ng kumpletong PPEs upang mapanatili ang kanilang kaligtasan.

Ang sinumang empleyado ng kapitolyo na mayroong exposure sa confirmed COVID-19 patients ay kinakailangan na ipagbigay alam sa kinauukulan partikular sa PHO sa pamamagitan ng PESU personnels upang agad na mamonitor at matest at maisailalim sa quarantine kung kinakailangan.

Ang bawat pulong na isasagawa sa gusaling kapitolyo na mayroong higit sa sampung partisipante ay kinakailangang gawin sa lugar na may maayos na bentilasyon kung saan dapat na mahigpit pa ring ma-obserbahan ang nakalatag na minimum health standards ngunit ipinapayo pa rin na kung maaari ay isagawa na lamang sa pamamagitan ng video conference.

Kaugnay nito, mariing hinihikayat ng Pamahalaang Panlalawigan ang lahat na palagiang magsuot ng facemask, maghugas ng kamay gamit ang sabon at malinis na tubig gayundin ng alcohol o hand sanitizer upang makaiwas sa nakamamatay na virus.