RESOLUSYONG HINIHIKAYAT ANG MGA LGU SA PALAWAN NA MAGKALOOB NG LIBRENG LAPTOP SA MGA INDIGENT STUDENTS, APRUBADO SA SANGGUNIANG PANLALAWIGAN

Aprubado na sa isinagawang special session ng Sangguniang Panlalawigan ngayong araw, Hunyo 24, 2020 ang resolusyon na iniakda ni Board Member Cesareo Benedito Jr na hinihikayat ang mga lokal na pamahalaan ng mga munisipyo sa Palawan na magkaloob ng libreng 'laptop' sa mga mahihirap na estudyante kabilang ang mga Indigenous Peoples learners upang makatulong sa kanilang pag-aaral ngayong mayroong pandemya. Ito rin ay bilang pagtugon sa 'distance education program' ng Department of Education kasabay nang ipinatutupad na community quarantine dahil sa COVID-19.

Samantala, kasabay nito ay inaprubahan din ng Sangguniang Panlalawigan ang resolusyong akda ni BM Benedito na may titulong 'A Resolution requesting the Palawan Inter-Agency Task Force to recommend to Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) to allow face to face classes in areas in the Province of Palawan with No COVID-19 cases'.

Base sa resolusyon, ang Provincial IATF ay dapat magsagawa nang assessment sa mga munisipyo sa lalawigan kung saan dito malalaman kung maari ba ang face-to-face interaction sa mga paaralan.

Pero paglilinaw sa resolusyon, base sa IATF-EID Resolution No. 43, papayagan ang face-to-face interaction sa mga Higher Education Institutions ngunit dapat ay mahigpit na ipatutupad ang public health standards at mayroong koordinasyon sa lokal na pamahalaan at CHED. Sa ilalim naman ng DepEd Basic Education Learning Continuity Plan, maaring ipatupad ang iba't ibang learning delivery options gaya ng face-to-face, blended learnings, distance learnings at homeschooling pero depende sa COVID Risk Severity Classification ng syudad o probinsya. Sa kasalukuyan, ang Palawan ay nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine.