101 NA MGA INDIBIDWAL NA DUMATING SA LALAWIGAN NGAYONG ARAW LULAN NG BARKO NG MILAGROSA AT PHILIPPINE AIRLINES, PAWANG NEGATIBO SA RAPID DIAGNOSTIC TEST

Nagnegatibo rin sa isinagawang Rapid Diagnostic Test (RDT) ang lahat ng isandaan at isang (101) mga indibidwal na dumating sa lalawigan ngayong araw June 24, 2020.

Ayon sa kumpirmasyon ni G. Cruzalde Ablaña, Palawan Incident Management Team (IMT) Head, unang dumating ang tatlumpu't siyam (39) na mga indibidwal na pawang mga taga munisipyo ng lalawigan lulan ng barko ng Milagrosa na dumating ganap na alas 12:30 ng tanghali na kinabibilangan ng 38 na mga Locally Stranded Individuals (LSI) at isang (1) Authorized Person Outside Residence (APOR) mula sa Iloilo.

Samantala, kasunod namang dumating ngayong hapon, ang nasa animnapu't dalawang (62) mga indibidwal na kinabibilangan ng 41 LSIs, 20 APOR at 1 ROF na lulan naman ng Philippine Airlines mula sa Kamaynilaan.

Agad naman umanong nasundo ang mga ito ng kani-kanilang mga LGU upang sumailalim sa 14 days quarantine period sa facility ng mga munisipyo.