MGA OPISYALES NG BAYAN NG CORON DUMALO SA IKA-124 NA SESYON NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN

Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery

Dumalo ang ilang opisyales ng bayan ng Coron sa pangunguna ni Mayor Ajerico Barracoso sa sesyon ng Junta Probinsyal na ginanap noong ika-15 ng Enero, taong kasalukuyan. Ito ay bilang tugon sa paanyaya ng Sanggunian Panlalawigan bunsod ng ibinigay na privilege speech ni Board Member Roseller Pineda kaugnay ng problema sa industriya ng turismo na kinahaharap ngayon ng munisipyo ng Coron.

Ang mga opisyales ng Coron na kasamang dumalo ni Mayor Barracoso ay sina Sangguniang Bayan Member Michael Sadwani na tumatayong chairman ng Committee on Tourism sa Sangguniang Bayan ng Coron; Francisco Fernandez Jr, presidente ng Calamianes Association of Tourism Establishment; Joselyn Trinidad, SB Secretary at Stanly Yu na siyang kumakatawan sa business sector.

Ayon kay Mayor Barracoso, ang pangunahing problema ng Coron ay ang ipinalabas na notice of violations ng DENR sa mga may-ari ng mga business establishment.

“May 413 notices silang pinalabas na kung saan 73 ay easement violations, 190 ay timberland violations at 150 ay compliable violations. Ang nakakabahala doon ay ang notice of violations ay binase nila sa 40 meters easement from the highest tide na ayon sa mapa ng DENR na 1914 pa. Eh, maraming establishment na nakatayo na at nag-comply naman sa mga requirements, katulad ng mga permits at SEP clearance from PCSD,” dagdag pa ni Mayor Barracoso.

Nagbigay din ng pahayag si SB Sadwani na may halong pagkabahala sa magiging epekto nito sa industriya ng turismo sa Coron at Calamianes Group of Islands. Samantala, ipinarating nina G. Yu at G. Fernandez ang mahigpit na kalagayan ng kanilang mga kasamahan sa industriya na nangangailangan na ng tulong ng Pamahalaang Panlalawigan upang mabigyan ito ng agarang solusyon para maiwasan ang paglala ng problema.

Pagkatapos ng mga paliwanagan at pagtatalakayan ay napagkasunduan ng mga opisyales ng Coron at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na makipag-usap kay DENR Secretary roy Cimatu kasama ang bumubo ng Pamahalaang Panlalawigan para mabigyan ng solusyon ang kinakaharap na problema ng bayan ng Coron.