PROVINCIAL INTER-AGENCY TASK FORCE, MULING NAGSAGAWA NG PAGPUPULONG NGAYONG ARAW

Nagsagawa ng pagpupulong ang Provincial Inter-Agency Task Force na pinangunahan ni Bise Gob. Dennis M. Socrates ngayong hapon, Hunyo 29, taong kasalukuyan na ginanap sa VJR Hall ng
Kapitolyo.

Sa ginanap na pulong ay nagpasa ng isang resolusyon ang Task Force upang hikayatin ang mga Local Government Units na agad na makipag-ugnayan sa Department of Education Palawan para mapayagan kung saka-sakaling magagamit ang mga paaralan bilang quarantine facility ng mga dumarating na Locally Stranded Inviduals (LSIs), Returning Overseas Filipinos (ROFs) at Authorized Persons Outside Residence (APOR) kung hindi na kakayanin ang mga ito na i-accomodate sa mga inihandang quarantine facility ng mga munisipyo.

Ayon kay Provincial DILG Director Virgilio Tagle, sa ngayon ay limang mga munisipyo pa lamang umano ang may kasunduan na sa DepEd Palawan.

Samantala, kinumpirma naman ni Provincial Social Welfare and Development Officer Abigail Ablaña na umabot na sa dalawang milyong piso ang naitulong ng Provincial Government sa mga LSIs sa iba't-ibang bahagi ng bansa.

Sa record naman ng Palawan Emergency Operation Center, umabot na rin sa 2,445 na mga LSIs, ROFs at APOR ang nakauwi na sa lalawigan sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Sagip Palaweño Assistance Program.