BENEPISYO PARA SA MGA PALAWEÑONG SENIOR CITIZENS, TINUTUGUNAN NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN

Blog Single

Nagpapatuloy ang benepisyo na ipinagkakaloob ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga nakatatandang Palaweño sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Local Social Pension Program for Indigent Senior Citizens sa ilalim ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).

Ito ay bilang tugon ng Pamahalaang Panlalawigan sa Expanded Senior Citizens Act of 2010 na nag-aatas sa mga lokal na pamahalaan na pagkalooban ng buwanang pension ang mga kapus-palad na nakatatandang mamamayan sa kani-kanilang lokalidad upang makatulong sa pangangailangan ng mga benepisyaryo partikular na ang pagkain at gamot.

Ayon sa datos ng PSWDO, umabot sa 6,897 ang kabuoang bilang ng nabenepisyuhan ng programa noong taong 2018. Ang pagbibigay ng buwanang ayuda ay isinasagawa dalawang beses kada taon. Ang unang pamamahagi ay para sa mga buwan ng Enero hanggang Hunyo at ang ikalawang pamamahagi ay para sa mga buwan ng Hulyo hanggang Disyembre.

Maliban sa P250 kada buwang local social pension na tinatanggap ng mga indigent senior citizens ay nagpapatuloy rin ang iba pang programa ng Pamahalaang Panlalawigan na nakatuon sa pagkalinga sa mga lolo at lola tulad ng pagbibigay ng tulong pinansiyal, medikal at iba pa.

Napag-alaman mula kay PSWD Officer Abigail Ablaña na ang Palawan ay ang natatanging lalawigan sa buong rehiyon ng MIMAROPA na nagpapatupad ng programa para sa kapakanan ng mga senior citizens sa pamamagitan ng programang Local Social Pension Program for Indigent Senior Citizens.

Samantala, nilinaw naman ni Gng. Helen G. Bundal, population program officer II ng PSWDO, na hindi na kasama sa mga benepisyaryo ng Pamahalaang Panlalawigan ang ibang munisipyo na nakapaloob sa programang local social pension ng pamahalaang pasyunal sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).