MAHIGPIT NA HEALTH PROTOCOLS, PATULOY NA IPINATUTUPAD SA MGA DUMARATING NA RETURNEES SA LALAWIGAN

Blog Single

Mahigpit pa ring ipinatutupad ng Provincial Inter-Agency Task Force COVID-19 ang mga health protocols sa lahat ng mga dumarating na returnees sa lalawigan upang masiguro ang kaligtasan ng lahat sa banta ng Coronavirus Disease 2019.

Samantala, patuloy pa rin ang pagdating sa lalawigan ng ilang mga indibidwal na kinabibilangan ng mga Locally Stranded Individuals (LSIs), Returning Overseas Filipinos (ROFs) at Authorized Persons Outside Residence (APOR) kung saan karamihan sa mga ito ay na-stranded na ng ilang buwan sa Kamaynilaan at iba't-ibang panig ng bansa bunsod ng mga ipinatupad na community quarantine sanhi ng COVID-19.

Kaugnay nito, base sa talaan ng Palawan Emergency Operations Center, may walumpu't tatlong (83) mga indibidwal ang dumating dito sa lalawigan kahapon, ika-20 ng Hulyo, taong kasalukuyan bandang alas 4:00 ng hapon na kinabibilangan ng 76 LSIs at 7 APOR mula sa Maynila lulan ng eroplano ng Cebu Pacific.

Habang noon namang ika-19 ng Hulyo, 2020 ay dumating rin ang 33 LSIs at 6 na APOR sakay ng 2GO Travel gayundin ang eroplano ng Air Asia na lulan naman ang 33 na LSIs at 2 APOR.

Magkasunod naman na dumating noong Hulyo 18 ang Philippine Airlines lulan ang 21 na LSIs, 5 APOR at 2 ROFs mula Kamaynilaan kasunod ang M/V Erlinda ng Montenegro Lines na mayroon namang sakay na 9 na LSIs at 2 APOR mula sa Iloilo.