PAGTATANIM NG GULAY AT PRUTAS NG MGA PALAWEÑO NGAYONG PANAHON NG PANDEMYA, MAGANDANG ESTRATEHIYA SA PAGSUSULONG NG ‘AGRICULTURE IN SUPPORT OF TOURISM’

Blog Single

Sa kabila ng kinahaharap na pandemya ng buong mundo sanhi ng sakit na COVID-19, nagkaroon naman ng pagkakataon ang mga mamamayan ng mas mahabang oras para sa iba’t-ibang mga gawain gaya na lamang ng pagtatanim.

Ayon kay Provincial Tourism Officer Maribel C. Buñi, ang pagtatanim umano ng mga gulay at prutas ng mga Palaweño ay inaasahang mayroong magandang epekto dahil pupwede itong maging parte ng muling pagbubukas ng turismo sa lalawigan dahil maaaring dito na lamang sa Palawan manggaling ang suplay ng pagkain para sa mga turista.

Bukod sa magiging self-sufficient na umano ang lalawigan, hindi na rin natin kakailanganing mag-angkat ng ilang mga produkto mula sa ibang mga lugar dahil maaaring kayanin na nang magiging produksiyon dito sa Palawan.

Ang nasabing estratehiya umano ay maaaring magsilbing isang malaking tulong na rin upang madagdagan ang kabuhayan ng mga Palaweño lalo na ang mga naapektuhan ng pandemya kung saan maisusulong pa ang agrikultura bilang pagsuporta sa sektor ng turismo.

“Magandang strategy 'yon ano, kasi parang agriculture in support of tourism. So, maganda 'yong magiging epekto nun, parang dagdag kabuhayan sa ating mga kababayan and self-sufficient na, hindi na po kailangan mag-angkat pa kung saan-saan” ani ni Buñi.