PHO, TINUTUTUKAN RIN ANG SAKIT NA DENGUE KASABAY NANG PAKIKIBAKA SA COVID-19

Blog Single

Tinututukan rin ng Provincial Health Office (PHO) ang iba't-ibang mga sakit na uso ngayong panahon ng tag-ulan partikular ang sakit na dengue kasabay nang patuloy na pakikipaglaban sa COVID-19.

Ayon kay Dra. Mary Ann Navarro, Provincial Health Officer, bagamat bumaba umano ang naitalang kaso ng dengue sa lalawigan nitong nakalipas na unang quarter ng taong 2020, hindi pa rin umano dapat na maging kampante ang mga Palaweño dahil ngayong panahon ng tag-ulan kadalasang dumarami ang bilang ng mga lamok na posibleng carrier ng dengue dahil sa maraming lugar na maaaring pamugaran at pangitlugan ng mga ito.

Samantala, nilinaw rin ni Dra. Navarro ang kaibahan ng sakit na dengue at COVID-19 upang hindi mangamba ang mga mamamayan lalo na't may pagkakahalintulad ang mga sintomas ng mga naturang sakit. Aniya, huwag umanong matakot na magpakunsulta sa mga Health Centers kapag nakararanas ng anumang sintomas upang agarang magamot at malunasan ang mga ito.

"Ah tinitesting naman po at saka kasi po 'yong ordinaryong ubo't sipon, less than a week 'yan okay ka na, nakukuha sa pahinga, pero po 'yong sa COVID kasi ang isa sa sintomas niya rin ay 'yong nawawalan ng pang-amoy at saka more of sore throat, 'yong ganyan at saka 'yong pag nag-severe siya, nahihirapan kang huminga. Samantalang sa ubo at sipon naman po, usually nagreresolve 'yan less than a week. So, 'pag medyo nag-severe agad eh mag-isip kana", ani Navarro.

"Pero 'yon nga, sa time ng pandemic ng COVID, minsan natatakot 'yong mga tao na magpakonsulta diba po? So, dapat hindi sila matakot magpakonsulta, nandiyan naman bukas ang mga health centers. Huwag lang silang maiilang sa mga plastic barrier kasi proteksiyon rin 'yon ng ating mga health workers pero kailangan po hindi natin pinapatagal yong mga ganyan kailangan nagkukunsulta tayo", dagdag pa ni Dra. Navarro.

Nananawagan rin ito sa mga mamamayan ngayong panahon ng tag-ulan na panatilihin ang kalinisan sa loob at labas ng bawat tahanan upang maiwasan ang pagdami ng mga lamok na maaaring magdulot ng sakit na dengue. Dapat rin umanong pagtuunan ng pansin ng mga mamamayan ang kanilang kalusugan hindi lamang pagdating sa nakamamatay na COVID-19 kundi maging sa sakit na dengue gayunrin sa iba pang mga sakit na uso ngayong panahon ng tag ulan.

Kaugnay nito, suniguro naman nito na walang dapat na ipangamba ang mga Palaweño sapagkat ginagawa ng kanilang tanggapan ang lahat ng kanilang makakaya katuwang ang mga Municipal Health Offices (MHOs) at mga Rural Health Units (RHUs) upang matutukan ang kalusugan ng mga mamamayan na mapanatili ang mababang bilang ng kaso ng dengue sa Palawan kasabay ng kanilang pakikibaka sa nakamamatay na COVID-19.