PAMAHALAANG PANLALAWIGAN, BUMILI NG 3 UNIT NG COASTER NA MAGAGAMIT SA PATULOY NA LABAN SA COVID-19

Blog Single

Bumili ng tatlong yunit ng brand new coaster ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan na magagamit sa patuloy na paglaban sa COVID-19.

Ang bawat isang yunit ng coaster ay 29 seater na nagkakahalaga ng tig P4 na milyon o kabuuang halaga na P12 milyon kung saan ang pondong inilaan para rito ay mula sa Disaster Preparedness fund ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).

Personal naman na tinanggap ni Gob. Jose Ch. Alvarez kasama sina Engr. Saylito Purisima, Head, Infrastracture Unit of I-HELP Program, PDRRMO Head Jeremias Alili at IMT Commander Cruzalde Ablaña ang nabanggit na mga sasakyan sa isinagawang turn-over ceremony sa kapitolyo ngayong araw, ika-27 ng Hulyo, taong kasalukuyan.

Ang mga naturang coaster ay gagamitin ng mga frontliners ng Pamahalaang Panlalawigan upang mas maging epektibo at komportable ang mga ito sa pagganap ng kanilang mga tungkulin kontra COVID-19.

Gagamitin rin ang mga nasabing sasakyan para sa pagsundo sa paliparan at pier ng lungsod ng mga Locally Stranded Individuals (LSIs), Returning Overseas Filipinos (ROFs), at Authorized Persons Outside Residence (APOR) na umuuwi dito sa lalawigan.

Ayon kay PDRRMO Head Jeremias Y. Alili, mahalaga umano ang pagbili ng mga naturang sasakyan dahil may mga pagkakataon na ang mga bus na ginagamit sa pagsundo sa mga dumarating na LSIs, APOR at ROFs ay sumasailalim sa repair at maintenance habang ang mga frontliners naman ay gumagamit ng kanilang sariling mga sasakyan.

"Para mas maayos ang serbisyo na maibigay natin, mas maalwan, to give more dignity to arriving Palaweños at 'yong ating mga frontliners, nagdagdag tayo ng tatlong asset, itong tatlong coaster na magagamit natin kapag may mga ganitong movement.

Kasama 'yan ng iba pang assets na bibilhin natin para mas mapaganda pa ang ating services, so 'yong mobility kasi natin considering na napakahaba ng Palawan at malawak, importante na mayroon tayong reliable na mga assests in moving people, para mas mapabilis ang pagpo-provide natin ng services sa ating mga kababayang Palaweño" ani ni Alili.

Sakaling matapos na aniya ang laban sa COVID-19, maaari namang gamitin ang mga nasabing sasakyan sa iba pang mga serbisyo na ipinagkakaloob ng Pamahalaang Panlalawigan para sa mga Palaweño.

Photo courtesy of

Pdrrmo Palawan