KAUTUSAN HINGGIL SA PAGPAPALIBAN NG ANUMANG URI NG MASS GATHERING SA LALAWIGAN, INILABAS NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN

Blog Single

Muling naglabas ng kautusan ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan para sa lahat ng mga Department Heads/Unit Heads at Program Managers/Directors hinggil sa pagpapaliban o pagsususpinde sa anumang uri ng mass gathering na isasagawa sa iba't-ibang panig ng lalawigan habang kasalukuyan pang kinakaharap ang pandemya ng COVID-19.

Ito ay batay sa Memorandum Order No. 152 na may titulong "REITERATION OF THE DOH ADVISORY ON MASS GATHERING WHILE THE THREAT OF THE COVID-19 VIRUS REMAINS" na nilagdaan ni Gob. Jose Ch. Alvarez noong ika-21 ng Hulyo, taong kasalukuyan.

Nakasaad sa kautusan na ang anumang uri ng mga aktibidad na isasagawa ng Pamahalaang Panlalawigan gaya na lamang ng mga pagpupulong o programa na mayroong maraming bilang ng mga representante ay kinakailangan munang ipagpaliban upang maiwasan ang posibleng transmission ng COVID-19.

Base sa naturang memorandum, papayagan lamang ang isang aktibidad o pagpupulong kung ito ay may kinalaman sa mga hakbang ng pamahalaan upang masolusyunan at mapanatili ang kaligtasan ng lahat kontra sa banta ng naturang virus.

Samantala, ang nasabing memorandum ay bilang pagtalima na rin ng Pamahalaang Panlalawigan sa Department Memorandum No. 2020-0056 na inilabas ng Department of Health (DOH) noong ika-3 ng Pebrero, 2020 na may titulong "INTERIM GUIDELINES FOR 2019 NOVEL CORONA VIRUS ACUTE RESPIRATORY DISEASE (2019- nCoV ARD) RESPONSE IN THE WORKPLACE".