KARAGDAGANG LOCAL MONTHLY SOCIAL PENSION NG MGA SENIOR CITIZEN SA PALAWAN, ISINUSULONG SA SANGGUNIANG PANLALAWIGAN

Blog Single

Isinusulong ni Board Member Leoncio Ola sa Sangguniang Panlalawigan ng Palawan ang resolusyon na humihiling sa Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa pamamagitan ni PSWD Officer Abigail Ablaña na maitaas ang Monthly Local Social Pension na tinatanggap ng mga indigent senior citizens sa lalawigan ng Palawan. Ito ay dumaan sa unang pagbasa sa ika-123 regular na sesyon ng 42nd Sangguniang Panlalawigan.

Sa ilalim ng Republic Act 9994 o ang “Expanded Senior Citizens Act of 2010,” ang Social Pension Program ng DSWD ay nagsimula noong taong 2011 na pangunahing layunin ay matulungan ang mga senior citizens na matugunan ang kanilang mga pangangailangang medikal at gastusin sa pamamagitan nang pagbibigay ng monetary benefits.

Sa kasalukuyan, ang PSWDO ay nagbibigay ng P250.00 kada buwan na pension sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Ayon kay Board Member Ola, ang kasalukuyang buwanang pension ay hindi sasapat para matugunan ang pangangailangan ng mga senior citizens lalo’t sumasabay din ang pagtaas ng mga bilihin.

Dahil dito, sa pamamagitan ng Resolustion 388-18 maaaring maitaas sa P350.00 ang buwanang pension ng mga nakatatanda. Malaking tulong umano ito sa mga benepisyaryo sakaling maaprubahan.

Ang naturang resolusyon ay nakatakdang isalang sa Committee on Appropriations para sa karagdagang rekomendasyon.