BAGONG OSPITAL SA BAYAN NG RIZAL HANDA NANG MAGSERBISYO SA MGA PALAWEÑO

Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery

Opisyal nang binuksan sa publiko ang bagong Dr. Jose Rizal District Hospital na matatagpuan sa Barangay Punta Baja sa bayan ng Rizal noong ika-21 ng Enero, taong kasalukuyan.

Ang bagong ospital ay may kabuoang pondo na mahigit P127 Milyon na magkatuwang na pinondohan ng Department of Health Department of Health (DOH) at Pamahalaang Panlalawigan sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program. Ang lokal na pamahalaan naman ng Rizal ang naglaan ng apat na ektaryang lupain na kinatatayuan ngayon ng bagong ospital bilang donasyon.

Mula sa pondong inilaan ng DOH para sa ospital ay P40 Milyon dito ang para sa pagbili ng iba’t ibang medical equipment na gagamitin. Samantala, nakapaloob naman sa halaga ng pondong inilaan ng Pamahalaang Panlalawigan ang pagpapatayo ng iba’t ibang mahahalagang karagdagang pasilidad ng bagong ospital. Ilan dito ay ang Isolation Building, Material Recovery Facility Building, Mortuary, Power House Building/Motorpool, at Elevated Water Tank gayon din ang landscaping, electrical works at iba pa.

Sa ibinigay na mensahe ni Bise Gob. Dennis M. Socrates sa isinagawaang maikling programa, binigyang diin niya na ang bagong bukas na ospital ay handog para mga Palaweñong kapuspalad lalo’t higit sa mga katutubo at senior citizens sa bayan ng Rizal.

Ayon naman kay Engr. Saylito M. Purisima, hepe ng Infrastructure Sector ng Pamahalaang Panlalawigan, hindi biro ang naging pagtatayo ng nasabing ospital. Ngunit dahil umano sa pagiging pursigido ni Gob. Alvarez at sa buong tiwala na ibinigay sa kanya ng iba’t ibang ahensiyang nasyunal, ang proyektong ito ay naisakatuparan.

Dagdag din ni Engr. Purisima na patuloy ang pagsisikap ng Pamahalaang Panlalawigan katuwang ang DOH na matapos ang lahat ng mga itinatayong bagong ospital sa lalawigan.

Ang Dr. Jose Rizal District Hospital ay ika-lima sa natapos at nabuksan ng mga bagong ospital sa lalawigan ng Palawan. Una nang natapos at kasalukuyang nagbibigay serbisyo sa mamamayan ang Aborlan Medicare Hospital, Narra Municipal Hospital, Southern Palawan Provincial Hospital sa bayang ng Brooke’s Point, at Roxas Medicare Hospital. Inaasahan naman na matatapos ngayong taon ang mga bagong ospital sa mga bayan ng Cuyo, Coron at Bataraza.

Samantala, kasabay ng pagbubukas ng bagong ospital ay mahigit 500 mamamayan ng bayan ng Rizal ang na serbisyuhan ng isinagawang tatlong araw na medical at surgical mission na pinangunahan ng North Texas Association of Philippine Physicians katuwang ang ilang bihasang doktor mula sa Kamaynilaan at lalawigan ng Palawan.

Bahagi ng naturang gawain ang pagkakaloob ng libreng salamin sa mata o eyeglasses para sa mga nangangailangan. Matatandaan na una nang nagbigay ang nabanggit na grupo ng kahalintulad na libreng serbisyo sa mamamayan ng Aborlan na ginanap sa Aborlan Medicare Hospital bilang katugunan sa imbitasyon ni Gob. Jose Ch. Alvarez.