CORN FIELD DAY, MATAGUMPAY NA NAIPAGDIWANG SA BAYAN NG SOFRONIO ESPAÑOLA

Matagumpay na naipagdiwang ang Corn Field Day na isinagawa sa barangay Punang sa bayan ng Sofronio Española kung saan inilunsad ang Demonstration Farm for Hybrid Corn Production sa ilalim ng "PGP Cares Corn Production Program" noong ika-10 ng Setyembre, taong kasalukuyan.

Naisakatuparan ang nasabing aktibidad sa sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) sa pangunguna ni Dr. Romeo Cabungcal, Provincial Agriculturist katuwang ang Municipal Agriculture Office (MAO) at Pamahalaang Lokal ng nasabing bayan.

Ayon kay Dr. Cabungcal, layunin nito na ipagdiwang ang naging bunga ng pagsisikap ng mga magsasaka sa larangan ng pagtatanim ng mais gayundin upang maipakita ang magandang dulot nito sa produksiyon kung susundin lamang ang tamang teknolohiya at proseso sa pagmamaisan.

"Una, to celebrate 'yong accomplishment ng ating mga farmers and with the protocols na ini-introduce natin, ito 'yong pweding maging yield per/hectare kung susundin ang tamang technology then the protocols ng management at 'yong cultural processes" ani ni Dr. Cabungcal.

Aniya, maganda umano ang naging produksiyon ng mga magsasaka dahil sa kalidad ng mga mais na kanilang naani mula rito. Aabot umano sa labing apat (14) na metric tons kada ektarya ang estimated production ng mga mais sa naturang demonstration farm.

Kaugnay nito, patuloy umanong gumawaga ng paraan ang kanilang tanggapan para sa marketing ng mga produkto upang mabigyan ng mas mataas na kita ang mga magsasaka.

Samantala, ang nasabing aktibidad ay personal na dinaluhan ni Bise Mayor Rona P. Chou, mga farmer's organization sa lugar, mga kawani ng MAO gayundin ng OPA at ilan pang mga private companies na sumusuporta sa mga magsasaka.