‘PALAWAN MUNA CAMPAIGN’ MEDIA LAUNCHING ISINAGAWA NG PALAWAN TOURISM COUNCIL

Inilunsad ng Palawan Tourism Council ang ‘Palawan Muna Campaign’ na ginanap ngayong araw, ika-14 ng Septyembre, taong kasalukuyan sa VJR Hall ng gusaling kapitolyo.

Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ni Provincial Tourism Council President Rey Felix C. Rafols katuwang ang Provincial Tourism Promotions and Development Office sa pangunguna ni Provincial Tourism Officer Maribel C. Buñi at dinaluhan naman ng ilang miyembro ng media sa lalawigan.

Ayon kay PTC President Rafols, layunin ng nasabing kampanya na makapagbigay ng pag-asa sa tourism industry sa Palawan sa gitna ng nararanasang pandemya sa buong mundo sanhi ng COVID-19 kung saan isa sa mga pangunahing naapektuhan ay ang industriya ng turismo.

Sa ginanap na media launching ay nagkaroon rin ng pagkakataon ang mga miyembro ng media na makapagtanong kaugnay sa kasalukuyang estado ng sektor ng turismo sa Palawan gayundin ang mga hakbang na maaaring gawin upang matulungang makabangon ang mga apektado nito.

Samantala, binigyang pugay naman ni Gng. Buñi ang inisyatibo ng Palawan Tourism Council sa ginawang konsepto ng paglulunsad ng 'Palawan Muna Campaign' at sinigurong sa pamamagitan ng dahan-dahang muling pagbubukas ng turismo sa lalawigan ay mahigpit na ipatutupad at oobserbahan ang health protocols upang masiguro ang kaligtasan ng lahat.