PROVINCIAL TOURISM OFFICE, NAGSAGAWA NG WEBINAR HINGGIL SA MGA ALITUNTUNING IPATUTUPAD SA MAGIGING OPERASYON NG MGA TOURISM-RELATED ESTABLISHMENTS SA LALAWIGAN SA ILALIM NG "NEW NORMAL"

Blog Single

Nagsagawa ang Provincial Tourism Promotions and Development Office ng 'Online Orientation on the Guidelines in the Operation of Tourism-Related Establishments, Restaurants and MICE or Meetings, Incentives, Conferences and Exhibitions Operators under the New Normal'. Ito ay bilang paghahanda na rin sa inaasahang muling pagbubukas ng turismo sa lalawigan ng Palawan.

Ang nasabing webinar ay hinati sa tatlong clusters, kung saan ang unang bahagi nito ay isinagawa noong ika-8 ng Septyembre, taong kasalukuyan na dinaluhan ng mga tourism officers, local tourism stakeholders at tourism frontliners mula sa mga munisipyo ng El Nido, Taytay, San Vicente, Dumaran at Roxas. Isinagawa naman ang webinar para sa ikalawang cluster noong ika-10 ng Septyembre na dinaluhan ng mga partisipante mula naman sa mga munisipyo sa Calamianes partikular ang Coron, Culion, Busuanga, at Linapacan. Samantala, inaasahan namang idaraos ang webinar para sa ikatlong cluster sa ika-16 ng Septyembre para naman sa mga tourism stakeholders ng mga munisipyo ng Aborlan, Narra, Quezon, Rizal, Española, Brooke’s Point, Bataraza at Balabac.

Layunin ng nasabing webinar na makapagbigay ng kaalaman sa mga local stakeholders sa lalawigan patungkol sa mga polisiyang ipatutupad sa muling pagbabalik operasyon ng kalakaran ng turismo sa Palawan base sa panuntunan ng Department of Tourism (DOT) at Department of Health (DOH) at ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at batay sa mga umiiral na community quarantine.

Dito ay ipinaliwanag na kinakailangang masiguro ang pagsunod ng mga tourism enterprises and stakeholders sa mga bagong standards at guidelines ng IATF-EID, gayundin ang kapasidad ng mga Local Government Units (LGUs) sa pag- iimplementa ng mga nararapat sa safety protocols, mapalakas ang private-public partnership kaugnay sa kaligtasan ng mga manggagawa at ng mga turistang tutungo sa mga tourism facilities sa lalawigan. Tinalakay rin na nararapat na masiguro ng mga ito ang DOT accreditation at makipagtulungan sa mga LGU sa pagpapatupad ng mga polisiya ng DOT.

Nakiisa rin sa nasabing webinar si Department of Tourism MIMAROPA Regional Director Engr. Christopher V. Morales sa pamamagitan ng pagbibigay ng mensahe kung saan nagpaabot rin ng pasasalamat sa Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pagsasagawa ng nasabing hakbang na isa umanong malaking inisyatibo upang mapanatili ang ugnayan ng mga tourism stakeholders at ng pamahalaan sa pagharap sa ‘new normal’. Naging bahagi rin ng nasabing webinar ang ilang mga kawani ng DOT-MIMAROPA na tumalakay naman sa iba’t-ibang mga usapin ng isinagawang online orientation.

Kaugnay nito, nagpaabot naman ng pasasalamat si Provincial Tourism Officer Maribel C. Buñi sa Department of Tourism MIMAROPA gayundin sa Department of Health at sa mga local tourism stakeholders sa kanilang naging partisipasyon kung saan naging matagumpay ang unang bahagi ng isinagawang webinar.