MGA BARANGAY SA PALAWAN, HINIHIKAYAT NA BUMUO NG BARANGAY DISIPLINA BRIGADES

Blog Single

Sa akdang resolusyon ni Board Member Ferdinand Zaballa na kumakatawan din ng Liga ng mga Barangay sa Palawan, hinihikayat nito ang lahat ng mga Barangay Unit sa lalawigan na bumuo ng ''Barangay Disiplina Brigades' alinsunod sa 'Disiplina Muna' Advocacy Campaign ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Base sa resolusyon, ang 'Disiplina Muna' National Advocacy Campaign ng DILG ay nagsusulong na imulat muli ang mga mamamayan sa pagkakaroon ng disiplina lalong higit sa pagsunod sa mga itinalagang mandato at batas.

Sa ilalim din ng 'new normal practices' ay mahalaga na magkaroon ng disiplina sa sarili at sumunod sa mga itinalagang protocols na mga kinauukulan.

Kaya't malaki ang gampanin ng mga Local Government Units at lokal na mga Barangay para pagtibayin ang nasabing 'advocacy campaign'.

Ang kampanyang ito ay nabuo rin dahil sa kinakaharap na pandemya ng bansa kung saan ay isinusulong ang 'BIDA Solusyon' na ibig sabihin ay B-awal walang mask, I-sanitize ang mga kamay at iwas hawak sa mga bagay, D-umistansya ng isang metro, at A-lamin ang totoong impormasyon - - na ito ay ilan lamang sa mga standard health protocols para makaiwas sa COVID-19.