PHILIPPINE COAST GUARD ACADEMY, ISINUSULONG NA ITATAG SA LALAWIGAN NG PALAWAN

Blog Single

Hinihiling ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan sa mga opisyales ng Philippine Coast Guard sa pangunguna nina Adm. George Ursabia Jr, PCG Commandant at Commodore Arnaldo Lim, PCG District Commander na ikonsidera ang lalawigan ng Palawan sa planong pagtatatag ng isang Philippine Coast Guard Academy.

Sa aprubadong resolusyon ni Board Member Ryan Maminta, ang lalawigan ay maituturing na 'feasible' at 'practical' na pagtayuan ng PCG Academy dahil sa lawak ng karagatan at 'archipelagic' quality nito.

"Mayroong aksyon ang Philippine Coast Guard sa ilalim ng Department of Transportation na magkaroon ng Philippine Coast Guard Academy, ngayon nais natin na iparating na dito na ilagay sa lalawigan dahil akma ang Palawan para magkaroon ng pagkakataon na maging host ng isang akademya...", bahagi ng panayam kay BM Maminta.

Dagdag pa nito katulad ng Philippine National Police Academy at Philippine Military Academy, ang planong PCG Academy ay magiging training ground ng mga nais na maging miyembro ng PCG kung saan ito umano ay mayroong kumpletong curriculum at trainings.

Sakali rin na maitatag ang nasabing akademya, posibleng mapalalakas nito ang maritime patrol, maritime laws implementation and enforcement at maritime search and rescue sa ating bansa.