COMMUNITY ENHANCEMENT AND LIVELIHOOD PROGRAM, MAGSASAGAWA NG MGA AKTIBIDAD KAUGNAY SA NATIONAL SUICIDE PREVENTION WEEK

Blog Single

Ang ikalawang linggo ng buwan ng Setyembre ay tinaguriang National Suicide Prevention Week at nakatakda rin sa ika-10 ng Setyembre ang World Suicide Prevention Day.

Bunsod nito, ang Community Enhancement and Livelihood Program (CELP) ng Pamahalaang Panlalawigan ay magsasagawa ng ilang mga aktibidad kaugnay rito upang makapagbigay ng kaalaman sa bawat Palaweño hinggil sa nasabing usapin.

Ito ay sa pamamagitan ng mga isasagawang virtual talks at radio guestings na inaasahang makapagbabahagi ng mga impormasyon at kaalaman kung saan inaasahang maipararamdam sa lahat lalo na sa mga kabataan na hindi dapat mawalan ng pag-asa dahil palaging mayroong handang makinig, makausap at may makakatuwang sa oras ng problema.

Mas pinalawig pa ng CELP ang pagbibigay kaalaman patungkol sa usaping ito lalo na ngayong may kinakaharap na pandemya dahil sa mga problemang nararanasan gaya na lamang ng pagkakaroon ng depresyon na maaaring sanhi ng problema sa pamilya, pagkasawi sa pag-ibig, pagkakasakit, kawalan ng hanap-buhay at kakulangan sa pinansiyal at ang epekto ng COVID-19 sa buhay ng bawat isang indibidwal.

Ilan lamang ito sa mga dahilan kung kaya't may mga indibidwal na nakapag-iisip na ang tanging solusyon ay ang pagpapakamatay o suicide. Nagagawa ito ng ilan na hindi inaalintana ang mararamdaman ng kanilang maiiwang pamilya, kaibigan at iba pang taong mahalaga sa kanila.

Samantala, hinihikayat rin ng CELP ang lahat na magtulungan at suportahan ang bawat isa upang maisalba ang mga mahal sa buhay at maging ang ating mga sarili sa maling pamamaraan ng pagwawakas ng buhay.

Lagi rin tatandaan na "HINDI KA NAG-IISA AT ANG LAHAT AY MAY HALAGA".