GOB. ALVAREZ, NAGBIGAY NG PAHAYAG KAUGNAY SA NAGING DESISYON SA KASO NI SUSPENDED MAYOR DANAO

Blog Single

Nilinaw ni Gob. Jose Ch. Alvarez sa isang media interview ang mga ipinupukol na alegasyon sa kanya kasabay nang inilabas na desisyon ng Sangguniang Panlalawigan sa mga kasong administratibo laban kay suspended Narra Mayor Gerandy Danao.

Aniya, bilang Punong Ehekutibo ng lalawigan, ang tanging naging papel nya lamang ay isilbi ang naturang desisyon upang maipatupad ito.

"Hindi ko iyan saklaw, hindi ko makokontrol at hindi madidiktahan dahil 'yan ay napagkasunduan at pinag-aralan ng Sangguniang Panlalawigan. Kahit ako na Gobernador, kung mayroon akong nais na gawin at ipatupad ay sumasangguni ako sa kanila, 'yon naman kasi dapat, iyan ang nakasulat sa Local Government Code", bahagi ng pahayag ng gobernador.

Wala rin umanong katotohanan na may kinalaman ang usapin ng Coal Fired Power Plant kaya' t nasuspinde ang alkalde.

Bukas din ang isipan ni Gob. Alvarez sa mga komento at usapin na ipinupukol sa kanya dahil tapat ito sa kanyang sinumpaang tungkulin bilang ama ng lalawigan.

"Hindi ko na pinapansin 'yong mga kritiko at paninira sa akin dahil hindi ito totoo, ginagawa ko lamang ang aking tungkulin... Sa issue sa Narra, matagal ko na siyang [Danao] pinapayuhan na dapat humingi ng permiso na lahat ng gagawin sa Narra ay legal", dagdag ng gobernador.

Samantala, ayon naman kay Vice Mayor Crispin Lumba, Jr. na tumatayong alkalde ng bayan ng Narra, iginagalang nila ang naging desisyon ng Sangguniang Panlalawigan sa kasong kanilang isinampa kay suspended Mayor Danao kung saan ang naging basehan ng desisyon ay ang iligal na pagbibigay ni Danao ng permit para sa pagpapasabong at ang late filing ng Local Executive Budget na nagdulot nang pagkaantala ng ilang programa at proyekto sa bayan ng Narra.