KAUNA-UNAHANG DRUG RECOVERY CLINIC AT MENTAL HEALTH CLINIC SA PALAWAN, PLANONG BUKSAN SA BAYAN NG NARRA

Blog Single

Sa inisyatibo ni Gob. Jose Ch. Alvarez, inaasahang maisasakatuparan ang pagbubukas ng kauna-unahang Drug Recovery Clinic at Mental Health Clinic sa lalawigan ng Palawan bago matapos ang kasalukuyang taon.

Ito ay sa pamamagitan ng lumang ospital na matatagpuan sa Bgy. Antipuluan sa bayan ng Narra kung saan patuloy ang isinasagawang renovation ngayon upang magsilbing pasilidad para rito.

"Itong lumang ospital, ito ay gagawin na nating drug recovery clinic at mental health clinic na kauna-unahan sa Palawan...Kaya kung sakaling mabuksan ito, gawan natin lahat ng ospital dito sa Palawan," mula sa mensahe ni Gob. Alvarez sa katatapos lamang na turn-over ceremony ng bagong Isolation Building at TB-DOTS sa Narra.

Ayon naman kay Dra. Maria Arlin Josue, Chief-of-Hospital ng Narra Municipal Hospital, napakalaking tulong umano nito para sa mga drug surrenderees at may mga mental health problem sakaling maisakatuparan ang nasabing proyekto. Aniya, mandato ng Department of the Interior and Local Government na lahat ng probinsya ay dapat magkaroon ng isang Drug Recovery Clinic na siyang magbibigay pansin sa mga 'drug surrenderees' .

"Nag-undergo na kami noon ng training para sa Drug Recovery Clinic, kasama namin ang Provincial Government at ang PADAP... Tinuruan kami to handle the sessions na ipo-provide for our [moderate drug cases] surrenderees...", bahagi ng pahayag ni Dra. Josue.

Dagdag pa ni Dra. Josue, ayon sa kanilang pakikipag-usap kay Gob. JCA, kasabay nito'y maglalagay na rin ng Mental Health Clinic dahil ang bayan ng Narra umano ay may mataas na kaso ng ilang mental health issues lalo na sa mga kabataan.

Sa kasalukuyan, tuluy-tuloy na rin ang ginagawang koordinasyon ng Pamahalaang Panlalawigan at ng Narra Municipal Hospital sa iba pang mga ahensiya para sa pagsasaayos ng mga nabanggit na pasilidad at maging ang manpower nito gayundin ang sistema ng magiging operations ng mga ito.