25 REBEL RETURNEES, PINAGKALOOBAN NG TULONG PINANSIYAL NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN

Sa pagnanais ni Gob. Jose Ch. Alvarez na mas marami pang mga kaanib ng makakaliwang grupo ang mahikayat na magbalik loob sa pamahalaan kung kaya't patuloy na nagkakaloob ng livelihood assistance ang Pamahalaang Panlalawigan para sa mga ito.

Ngayong araw, Oktubre 16, 2020, dalawampu't limang (25) mga rebeldeng sumuko sa pamahalaan ang pinagkalooban ng tulong pinansiyal ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Local Social Integration Program (LSIP) to Former Rebels kung saan ginanap ang awarding ceremony sa VJR hall ng kapitolyo.

Ayon kay Provincial Social Welfare and Development Officer Abigail D. Ablaña, tatlumpu't isang (31) mga former rebels mula sa iba't-ibang mga munisipyo ng lalawigan ang nakatakdang mapagkalooban ng naturang assistance subalit dalawampu't lima (25) lamang sa mga ito ang nakarating kanina. Aniya, tumanggap ang bawat isang rebel returnee ng halagang P25,000.00 bilang livelihood assistance mula sa Pamahalaang Panlalawigan.

Samantala, pinangunahan naman ni Bise Gob. Victorino Dennis Socrates katuwang sina PSWDO Ablaña; Col. Bob Apostol,

OIC ng 3rd Marine Brigade at Lt.Gen. Erickson R. Gloria, PAF Commander ng Western Command ang pagkakaloob ng naturang halaga sa 25 rebel returnees.

Ang mga nasabing rebelde na nagbalik-loob sa pamahalaan ay sumailalim na sa masusing pagsisiyasat ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines bago inirekomenda sa Pamahalaang Panlalawigan na maaari nang pagkalooban ng tulong pinansiyal.

Ang pagbibigay ng tulong pinansiyal para sa mga rebeldeng sumuko ay pinagtibay sa pamamagitan ng isang ordinansa o Provincial Ordinance No. 1540 series of 2015 o 'Establishing the Implementing Guidelines on the Provision of Assistance to Rebel Returnees' na naglalayong mabigyan ng pagkakataon ang mga rebel returnees sa lalawigan ng Palawan na magbalik-loob sa pamahalaan, mamuhay ng mapayapa at maging produktibong mamamayan.

Maliban naman sa ibinibigay na tulong pinansiyal ng Pamahalaang Panlalawigan ay tinutulungan rin ang mga ito ng PSWDO na maipasok sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) ng Department of Interior and Local Government (DILG) upang mabigyan ang mga ito ng karagdagang tulong pinansiyal gayundin sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa iba pang mga interbensiyon.

Matatandaang nitong nakalipas na buwan ng Abril, 2020, labing tatlong (13) rebel returnees rin ang napagkalooban ng livelihood assistance ng Pamahalaang Panlalawigan.

Patuloy rin ang ginagawang monitoring ng PSWDO sa mga naturang rebel returnees upang masigurong napapalago ng mga ito ang kani-kanilang mga livelihood projects.