BAGONG COVID-19 ISOLATION FACILITY AT TB-DOTS CLINIC, HANDA NANG MAGBIGAY SERBISYO SA BAYAN NG NARRA

Blog Single

Pormal nang pinasinayaan ngayong araw, Oktubre 15, 2020 ang bagong Isolation Building at Tuberculosis Program-Directly Observed Treatment Strategy (TB-DOTS) Clinic na matatagpuan sa bisinidad ng Narra Municipal Hospital sa Brgy. Antipuluan sa bayan ng Narra.

Ang ginanap na blessing at turn-over ceremony ay pinangunahan nina Gob. Jose Ch. Alvarez, Engr. Saylito Purisima, PIO Winston Arzaga, ilang mga opisyales ng Pamahalaang Panlalawigan at ng lokal na pamahalaan ng Narra sa pangunguna ni Acting Mayor Crispin Lumba,Jr., Dr. Peter Curameng ng DOH-Palawan at ng mga staff ng Narra Municipal Hospital sa pangunguna ni Dra. Maria Arlin Josue.

"Ginagawa natin ito bilang tugon para tutukan ang COVID pandemic, kailangan natin ang isolation building, [kung] mild at asymptomatic [cases] dito natin sila ilagay", bahagi ng pahayag ni Gob. Alvarez.

Ito ay mayroong mga kumpletong kagamitan at pinondohan sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act.

"Malaki ang maitutulong talaga nito especially sa bayan ng Narra, sa mga may asymptomatic to mild cases [COVID-19] natin na kababayan mas matutukan sila ng ating medical frontliners... Hindi rin tayo nagpapabaya sa LGU at suportado natin ang lahat ng mga proyekto ng Provincial Government...", ani ni Acting Mayor Lumba.

Ayon kay Dra. Maria Arlin Josue, Chief of Hospital ng Narra Municipal Hospital, ang mga bagong medical facilities ay malaki ang maitutulong sa pagbibigay atensyon sa may mga kaso ng COVID-19 at iba pang sakit.

"Sa mahal po nating tatay [Gov.JCA] ng ating probinsya, siya po talaga ang swerte ng ating Palawan kasi sa ilang taon namin sa health [sector], ngayon lang po kami nagkaroon ng magandang ospital...Tapos sabi pa ni Engr. Purisima, lalagyan din ng GeneXpert ang TB-DOTS para kumpleto talaga... Sa lahat ng tumulong sa amin dito sa hospital ay thank you po", pahayag naman ni Dra. Josue.