LIVELIHOOD PROJECT MANAGEMENT UNIT NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN, NAMAHAGI NG SEAWEED PROPAGULES SA BAYAN NG SAN VICENTE

Blog Single

Bunsod ng hangarin ni Gob. Jose Ch. Alvarez na patuloy na mabigyan ng ayudang pangkabuhayan ang mga Palaweño, muling namahagi ng mga 'seaweed propagules' ang Livelihood Project Management Unit (LPMU) sa pamamagitan ng Seaweed Industry Development Program sa mga kuwalipikadong benepisaryo sa Sitio Panindigan, Barangay Poblacion sa bayan ng San Vicente nitong nakalipas na ika-8 ng Oktubre, taong kasalukuyan.

Ayon kay G. Edgardo C. Zabala, Jr., Project Consultant ng LPMU at Supervising Administrative Officer ng Office of the Provincial Agriculture, umabot sa tatlumpu’t isang (31) mga mangingisda na pawang mga miyembro ng Panindigan Seaweed’s Growers Association ang napagkalooban ng 'seaweed propagules' na maaaring mapalago ng mga ito upang makatulong sa kanilang pinagkakakitaan lalo na ngayong kinakaharap pa rin ng ating lalawigan ang pandemya ng COVID-19.

Samantala, muli namang nagpaalala si Zabala sa lahat ng mga mangingisda na nagtatanim ng seaweeds na iwasan at huwag gumamit ng kahit anong uri ng fertilizer upang mapanatili ang dekalidad na produksiyon ng seaweeds sa lalawigan.

Kaugnay nito, matatandaan na namahagi rin ang LPMU sa ilalim ng I-HELP Program ng ‘seaweed farming materials’ at ‘multiple handlines’ sa bahaging sur ng lalawigan nitong nakalipas na buwan ng Setyembre.