MALAWAKANG MEASLES, RUBELLA AT ORAL POLIOMYELITIS VACCINE SUPPLEMENTAL IMMUNIZATION ACTIVITY, ISASAGAWA SA PALAWAN NGAYONG BUWAN NG NOBYEMBRE

Blog Single

Nakatakdang isagawa sa buong lalawigan ng Palawan ngayong buwan ng Nobyembre, 2020 ang malawakang Measles, Rubella and Oral Poliomyelitis Vaccine Supplemental Immunization Activity (MR-OPV-SIA) ayon sa kumpirmasyon ni Dra. Faye Erika Labrador, Acting Provincial Health Officer.

Aniya, ito ay malawakang aktibidad na isasagawa sa buong Pilipinas na dito sa lalawigan ito ay magkatuwang na proyekto sa pangunguna ng Department Of Health (DOH) kasama ang Center for Health Development MIMAROPA, Provincial DOH, PHO at mga Municipal Health Offices (MHO).

Layunin umano ng programa na mabakunahan ang lahat ng mga batang nag-eedad mula 0 hanggang 59 na buwang gulang o mga batang wala pang limang taon upang maprotektahan ang mga ito laban sa measles, rubella at polio upang maiwasan ang nasabing mga sakit.

Ayon pa kay Dra. Labrador, sa darating na Nobyembre16 hanggang 20, 2020 umano naka-schedule ang mga munisipyo sa bahaging sur ng lalawigan habang sa Nobyembre 23 hanggang 27, 2020 naman ang mga lugar na nasa bahaging norte ng Palawan.

Kaugnay nito, tiniyak naman ni Dra. Labrador na walang dapat na ipangamba ang mga magulang dahil ito ay libre, ligtas at malaking tulong para sa kalusugan ng kanilang mga anak.

"Hindi po natin ito dapat na katakutan bagkus ito po ay makatutulong sa ating mga anak na maproteksiyunan po sila laban sa measles, rubella at sa polio. Kasi po ilang rehiyon na natin ang nagkaroon ng measles outbreak at saka ngayon po ang Pilipinas ay nahaharap naman po ulit sa polio outbreak noong 2019. So, ito pong ating Supplememtal Immunization Campaign ay ang layunin po ay para mapuksa na natin ang measles, rubella at ang polio. Kaya nga po ginawa ito ng ating gobyerno, kaya kailangan hindi po tayo matakot kasi ang mga vaccines na ginamit dito ay safe naman po at saka ang mga mag-i-immunize nito ay mga trained natin na mga health workers, hindi sila dapat matakot" ani ni Dra. Labrador.

Dagdag pa nito, na mahigpit nilang susundin ang mga health protocols kaugnay sa COVID-19 sa pagsasagawa ng immunization.