VACCINATION ROLL-OUT SA ROXAS MEDICARE HOSPITAL AT SOUTHERN PALAWAN PROVINCIAL HOSPITAL, ISASAGAWA BUKAS

Dumating na ngayong araw sa Roxas Medicare Hospital at Southern Palawan Provincial Hospital sa Brooke’s Point ang mga SINOVAC doses na gagamitin para sa vaccination roll-out bukas, Marso 8. Agad naman na inilagay sa cold chain storage ang mga bakuna para sa tamang pag-imbak nito.

Nakahanda na rin ang lahat ng mga medical staff, MHO, ilang kinatawan ng Provincial Health Office, at PDRRMO para sa isasagawang pagbabakuna sa mga medical frontliners.

Sa datos ng Provincial Health Office, 1,690 doses ang nakalaan para sa nabanggit na mga ospital.

Samantala, ngayong araw naman ay naging matagumpay ang pagbabakuna sa nasa 200 medical personnel ng Culion Sanitarium and General Hospital. Bago ang pagbabakuna ay sumailalim muna ang mga vaccinees sa pre-counseling at orientation para sa vaccination procedure.

"Magpasalamat tayo na may bakuna na kontra COVID-19. Gamitin natin ang pagkakataong ito hindi lang para sa sarili natin, kundi sa pamilya at komunidad natin", ani ni Dr. Arturo Cunanan Jr, Chief-of-Hospital, Culion Sanitarium and General Hospital.