CALAUIT SAFARI PARK, BUKAS NANG MULI PARA SA MGA TURISTA SIMULA NGAYONG ARAW, PARK RANGERS AT MGA EMPLEYADO NITO, SUMAILALIM SA CUSTOMER SERVICE TRAINING

Blog Single

Pormal nang binuksang muli para sa mga turista ang Calauit Safari Park sa bayan ng Busuanga simula ngayong araw, Marso 8, 2021 matapos ang ilang buwan na pansamantala itong isinara bunsod ng pandemya ng COVID-19.

Maliban sa pag-anunsiyo ng Busuanga Tourism Office sa kanilang Official Facebook Page sa pormal na pagbubukas ng Calauit Safari Park at NTCQ Dugong Watching sa Busuanga, pinaalalahanan rin ng mga ito ang mga turista hinggil sa mga proseso na dapat sundin kaugnay sa mga nakatalag na safety and health protocols sa pagtungo sa parke.

Kaugnay nito, isang pagsasanay ang isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan para sa mga park rangers at empleyado ng Calauit Safari Park na pinangunahan ng Provincial Tourism Promotions and Development Office gayundin ng Provincial Economic Enterprise and Development Office (PEEDO) na siya namang nangangasiwa ng Calauit Safari Park.

Bukod sa paghahanda sa pagbubukas ng nasabing parke para sa mga turista, layunin ng isinagawang Basic Customer Service Training na mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga kawani patungkol sa pangangasiwa ng mga turista sa ilalim ng ‘new normal’ at mapalawak pa ang kanilang kaalaman patungkol sa ‘tourism & guest services’.

Tumayo naman bilang resource speaker si G. Santos Buenvenida, isang DOT-accredited at ASEAN Master Trainer kung saan ibinahagi nito ang kanyang kadalubhasaan patungkol sa ‘basic customer services’.

Dumalo rin ang ilang mga kinatawan ng iba’t-ibang ahensya mula sa Provincial Treasurer’s Satellite Office ng Coron, Calauit Safari Park Management at PEEDO.

Ang nasabing pagsasanay ay isinigawa sa pamamagitan ng virtual na pamamaraan na dinaluhan ng dalawampu't isang mga partisipante na isinagawa noong Marso 6, 2021.