PAMAHALAANG PANLALAWIGAN, NAKIISA SA ISINASAGAWANG 3-DAY TOURISM SUMMIT NG PALAWAN TOURISM COUNCIL

Blog Single

Pormal nang sinimulan ngayong araw, Marso 15, 2021 ang 3-day Tourism Summit o Tourism Expo na pinangangasiwaan ng Palawan Tourism Council katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan at Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa sa HUE Hotel dito sa lungsod.

Ang ginaganap na 'Palawan Travel Expo' ay may temang “Facing the Challenges and Opportunities Posed by COVID-19 in Re-Opening Domestic Tourism” na magtatagal sa loob ng tatlong araw hanggang sa ika-17 ng Marso, taong kasalukuyan na maaari ring matunghayan via Zoom or Facebook Live.

Layunin ng nasabing aktibidad na mailapit ang mga turista at mga potential travellers sa Palawan sa pamamagitan ng pagpapakita at presentasyon ng iba’t-ibang mga atraksiyon at destinasyon na maaaring pasyalan sa lungsod at lalawigan upang muling maibalik ang sigla ng turismo na lubos na naapektuhan ng pandemya ng COVID-19.

Samantala, nagpaabot naman ng mensahe si Gob. Jose Ch. Alvarez sa pagbubukas ng naturang aktibidad sa pamamagitan ng virtual platform habang tinalakay naman ni Gng. Maribel C. Buñi, Provincial Tourism Officer ang ilang mga usapin kaugnay sa aspeto ng turismo sa lalawigan.

Dinaluhan naman ang aktibidad ng ilang tourism stakeholders sa lungsod at lalawigan gayundin ng ilang mga kinatawan mula sa iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno at mga mamamahayag.