NOMINASYON PARA SA 2021 SEARCH FOR OUTSTANDING GOVERNMENT WORKERS, NAGSIMULA NA

Bukas na ang nominasyon para sa ‘2021 Search for Outstanding Government Workers’ para sa mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan base sa Memorandum Order No. 51 series of 2021 na inalabas ng Pamahalaang Panlalawigan.

Kabilang sa kategorya ng mga parangal na ipagkakaloob sa mga kawani para sa nabanggit na patimpalak ay ang 'Galing Serbisyo Award'; 'Best Employee Award'; 'Exemplary Behavior Award'; at ang 'On-the-spot Awards' na kinapapalooban ng 'Gantimpala Agad Award' at 'Aksyon Agad Award'.

Ang nominasyon para sa mga nabanggit na parangal ay bukas para sa lahat ng mga regular na opisyales at kawani ng Pamahalaang Panlalawigan na nakapaglingkod na sa loob ng isang (1) taon; nakapagtala ng ‘very satisfactory’ rating sa magkasunod na dalawang rating periods; hindi inakasuhang ‘guilty’ sa kahit anong uri ng administrative o criminal offenses at walang nakabinbing kasong administratibo o kriminal sa oras ng nominasyon.

Bukod sa nabanggit na mga kuwalipikasyon, ilan pa sa mga kinakailangang dokumento na maisumite ay ang mga sumusunod: kumpletong nasagutan na nomination at write-up form; performance rating na ‘very satisfactory’; mga dokumento ng nominado kaugnay sa kanyang work performances at achievements; sertipikasyon mula sa Provincial Legal Office bilang katunayan na hindi siya naging ‘guilty’ sa anumang administrative o criminal offenses at walang nakabinbing kaso; at 2x2 na litrato kung saan nakasaad ang pangalan nito.

Ang itinakdang huling araw para sa pagsusumite ng nominasyon para sa mga nabanggit na parangal ay sa ika-31 ng Hulyo, taong kasalukuyan.