PALAWEÑONG SCIENTIST NA SI DR. DEO FLORENCE L. ONDA, BINIGYANG PAGKILALA NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN SA PAMAMAGITAN NG ISANG RESOLUSYON

Blog Single

Kinilala ng Sangguniang Panlalawigan ang galing at kontribusyon ng Palaweñong Scientist na si Dr. Deo Florence L. Onda, Ph.D. sa pamamagitan ng Resolution No.112-21 na may titulong 'Expressing Recognition and appreciation to Dr. Deo Florence L. Onda for his valuable expedition and exploration as the first Filipino to descend into Emden Deep, the 3rd deepest point on earth' na iniakda ni Board Member Cesareo Benedito, Jr. sa ginanap na regular na sesyon ng SP kahapon, Abril 6, 2021.

Ito ay matapos ang matagumpay na eksplorasyong isinagawa sa Emden Deep sa Philippine Trench na ikatlo sa pinakamalalim na bahagi ng karagatan sa buong mundo kung saan si Dr. Onda ang kauna-unahang Pinoy na nakarating dito.

Matatandaang sa pamamagitan ng 2-man deep submersible vessel (DSSV) Pressure Drop ay magkasamang tinuklas nina Dr. Onda at American Underwater Explorer na si Victor Vescovo sa loob ng 12 oras ang kailaliman ng Emden Deep sa kauna-unahang eksplorasyon sa lugar na isinagawa noong Marso 23, 2021.

Si Dr. Onda na isang Palaweño ay kasalukuyang Associate Professor at Deputy Director for Research sa University of the Philippines Marine Science Institute (UP-MSI) na siyang kauna-unahang Filipino na nakarating sa Emden Deep sa lalim na 10,400 meters o 34,100 feet.

Ayon naman sa University of the Philippines Marine Science Institute (UP-MSI), layon nilang maiwagayway ang watawat ng Pilipinas sa naturang ekspedisyon sapagkat mahalagang bahagi ito ng kasaysayan ng ating bansa.