MGA KAWANI NG KAPITOLYO, TINURUAN NG BASIC LIFE SUPPORT AT CARDIO-PULMONARY RESUSCITATION

Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery

Nagsagawa ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Demonstration on Basic Life Support (BLS) and Cardio Pulmonary Resuscitation (CPR) para sa mga kawani ng Kapitolyo noong ika-20 ng Marso, taong kasakuluyan.

Ipinakita at ipinasubok sa mga dumalong kawani ang tamang pamamaraan ng pagsasagawa at aplikasyon ng Cardio Pulmonary Resuscitation (CPR) at iba pang emergency action principles na magagamit sa panahon ng pangangailangan ng karampatang paunang-lunas.

Tinuruan din ang mga ito ng mga aksyong gagawin upang agad na mabigyang lunas ang mga taong nabulunan, nakakaranas ng pagkahilo, convulsion, pagdurugo ng ilong, heat stroke at iba pang karamdaman dulot ng mainit na panahon.

Malaking bagay umano ang gawain ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Jeremias Y. Alili lalo na ngayong panahon ng tag-init.

“Hindi lang tayo ang makikinabang, hindi lang ang inyong mga ka-opisina kundi ‘yung mga kasama natin sa bahay, kasama natin sa byahe, kasama natin sa sasakyan at lahat ng mga katabi natin makikinabang sa inyo na nakapag-attend ng BLS,” saad ng hepe ng PDRRMO.

 Ayon naman kay Gng. Lorna Loor ng Provincial Health Office (PHO), mahalagang matutunan ng bawat isa ang mga emergency procedure dahil madalas na nangyayari ang emergency sa bahay, eskwelahan at opisina.

“Kung mayroon tayong kaalaman tungkol sa basic life support or sa CPR, may intervention tayong magawa bago natin siya madadala ng hospital [at] mas malaki ang chance na mabuhay ang ating kamag-anak, kakilala o kaibigan,” paliwanag ni Gng. Loor.

Magsasagawa muli ng pagsasanay patungkol sa BLS sa Kapitolyo sa darating na Setyembre bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Serbisyo Sibil kung saan mas marami ang makikinabang at matututo.

Marami na rin ang sumailalim sa naturang pagsasanay na patuloy na isinasagawa ng PDRRMO sa mga munisipyo at komunidad, ayon na rin sa pahayag ng PDRRM Officer.