PROVINCIAL TOURISM OFFICER, NAGBIGAY PAALALA SA MGA MANLALAKBAY NA NAGNANAIS TUMUNGO SA IBA’T-IBANG DESTINASYON SA PALAWAN

Blog Single

PROVINCIAL TOURISM OFFICER, NAGBIGAY PAALALA SA MGA MANLALAKBAY NA NAGNANAIS TUMUNGO SA IBA’T-IBANG DESTINASYON SA PALAWAN

Nagpaalala si Provincial Tourism Officer Maribel C. Buñi sa lahat ng mga turista o manlalakbay na nais tumungo sa iba't-ibang mga destinasyon sa lalawigan ng Palawan na alamin ang tamang protocols sa bawat munisipyo at makipag-ugnayan sa mga tamang ahensiya ng lokal na pamahalaan na nais puntahan lalo na ngayong nananatiling pa rin tayong nasa community quarantine sanhi ng pandemya ng COVID-19.

Aniya, bilang mga manlalakbay, responsibilidad ng bawat isa na sumunod sa mga guidelines na ipinatutupad partikular sa pagtungo sa mga tourist destinations at attraction sites upang mapanatiling ligtas ang bawat isa at maiwasan ang pagkalat ng virus.

Nagpasalamat rin ito sa patuloy na pagtangkilik at pagsuporta ng mga turista sa mga lokal na destinasyon sa lalawigan.

“Sa atin pong mga minamahal na manlalakbay: alam po namin na gustung-gusto n'yo nang mamasyal sa iba't-ibang lugar sa ating lalawigan. Mangyari lamang pong alamin ang tamang protocols sa bawat munisipyo at makipag-ugnayan sa tamang ahensiya ng lokal na pamahalaan na nais n'yong puntahan. Mayroon pong mga guidelines na dapat ipatupad sa ating mga tourist destinations at attraction sites. Bilang manlalakbay, responsibilidad din nating sumunod sa mga alituntunin lalo pa at nasa community quarantine pa tayo ngayon. Marami pong salamat sa pagtangkilik sa ating mga lokal na destinasyon” ang mensahe ni Gng. Buñi na inilabas sa opisyal na Facebook Page ng Palawan Tourism Promotions and Development Office ng Pamahalaang Panlalawigan.

Matatandaang unti-unti nang binuksan ang turismo sa lalawigan para sa lokal na mga turista simula noong nakaraang taon kasabay nang pagpapatupad ng ibayong pag-iingat at mahigpit na pag-obserba sa mga nakalatag na safety and health protocols upang muling maibalik ang sigla at hanapbuhay sa sektor ng turismo sa lalawigan ng Palawan.