BALAY SILANGAN SA BAYAN NG ROXAS PINASINAYAAN PARA SA MGA BIKTIMA NG ILIGAL NA DROGA

Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery

Sa buong rehiyon ng MIMAROPA maituturing na pinaka-maayos at organisado ang Balay Silangan sa bayan ng Roxas na binuksan nitong nakalipas na ika-25 ng Marso. Ito ang tinuran ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region IV-B Acting Regional Director Mario Da Ramos sa kanyang personal na pagdalo sa pagpapasinaya ng pasilidad.

Dumalo rin sa naturang seremonya ang alkalde ng bayan ng Roxas sa katauhan ni Mayor Maria Angela V. Sabando kasama si San Vicente Mayor Maria Carmela E. Alvarez at Officer-in-Charge ng Roxas Municipal Police Station na si PSInsp. Michael Von Agbisit.

Ang nabanggit na pasilidad ay naisakatuparan base na rin sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat ay magkaroon ng programa ang mga lokal na pamahalaan para sa mga sumusukong indibidwal na biktima ng iligal na droga. Kabilang din sa programa ang mga gumagamit at dating nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot na nais na makabalik sa normal na pamumuhay upang maging kapaki-pakinabang sa kanilang komunidad. Sa pamamagitan ng Balay Silangan ay sasailalim sila sa apat na linggong pagsasanay at mga seminar na makakatulong sa kanilang pang araw-araw na pamumuhay.

Una nang nabuksan ang Balay Silangan sa bayan ng Quezon noong nakaraang buwan ng Pebrero at inaasahan na kasunod na rin na magbubukas ang iba pang mga kahalintulad na pasilidad sa iba pang munisipyo sa lalawigan ng Palawan.

Katuwang ng lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng programa ang mga ahensya ng Department of Social Welfare and Development o DSWD, Technical Education Skills Development Authority (TESDA), Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine Nation Police (PNP) at Department of Trade and Industry (DTI).