GINTONG MEDALYA, NASUNGKIT NG DALAWANG MANLALARO NG PALAWAN SA BATANG PINOY 2019

Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery

Nasungkit ng dalawang manlalaro mula sa lalawigan ng Palawan ang dalawang gintong medalya sa larong boksing sa katatapos na Batang Pinoy 2019 na ginanap sa Ilagan, Isabela noong ika-17 hanggang ika-23 ng Marso, taong kasalukuyan.

Nakamit ni Melbert Navarro para sa bantam weight ang gintong medalya mula sa kanyang katunggali na nagmula sa lungsod ng Baguio. Samantala, nasungkit din ni Erla Mae Garcia ang gintong medalya sa ilalim ng feather weight division. Ang mga nabanggit na manlalaro ay kapwa mula sa bayan ng Taytay.

“Pinapasalamatan namin una si God, nagpo-provide ng good health at nag-iingat sa amin sa biyahe; kay Governor Jose Ch. Alvarez, binigyan niya kami ng suporta… talagang all support,” saad ni G. Sunshine Cabiguin, hepe ng Provincial Sports Division.

Pinasasalamatan din ni G. Cabiguin ang mga katulong nilang mga coaches at mga trainers na sina Rodolfo Alcala Jr., Toto Garcia, Danny Caabay, Jude Ysabella na aniya ay patuloy na nagtuturo sa mga manlalaro na nais magkaroon ng maayos na kinabukasan.

Ang Batang Pinoy 2019 ay isang multi-sports competition para sa mga kabataang Pilipinong may may edad 15 taon pababa.

Samantala, inihahanda naman ng Provincial Sports Division ang mga nagwaging manlalaro para sa nalalapit na Sea Youth International Competition na gaganapin naman sa lungsod ng Bacolod.