PAGLALAGAY NG MGA BABALA LABAN SA SOBRANG PANININGIL NG MGA TRICYCLE DRIVERS, HINIHIKAYAT SA BAWAT MUNISIPYO NG PALAWAN

Blog Single

Ipinasa sa ika-123 regular na sesyon ng 42nd Sangguniang Panlalawigan ang resolusyon na iniakda ni Board Member David Francis Ponce de Leon na humihiling sa bawat lokal na pamahalaan na maglagay ng signages at posters na magbibigay babala laban sa mga sobrang maningil na tricycle drivers sa Palawan.

Ang tricycle ang isa sa mga pangunahing transportasyong ginagamit sa lalawigan. Nagaganap umano ang “overcharging” o sobrang paniningil dahil madalas na hindi alam ng commuters ang halaga ng pamasahe na naaayon sa itinakda ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Dahil din sa kakulangan ng informative policies at implementing devices na may kaugnayan sa transportasyon, madaling naabuso ang mga commuter at ilang mga turista.

Nakasaad sa resolusyon na ang paglalagay ng mga babala sa mga transport terminal at loading areas ay maaaring maging solusyon sa laganap na “overcharging” ng mga drivers sa kanilang mga pasahero. Layunin din nito na maprotektahan ang karapatan ng mga commuters at matulungan ang mga drivers na maging disiplinado at tapat sa pagbibigay ng serbisyo.

Ang dapat na nilalaman nang ilalagay na babala ay ang mga impormasyon patungkol sa mga karapatan ng mga commuters, halaga ng pamasahe sa kada kilometro o ruta at contact details para sa mga nais magreklamo laban sa mga abusadong driver.

Dapat ding ipinapatupad ng mga driver ang pagbibigay ng diskwento sa mga estudyante, senior citizen at PWDs.

Samantala, base sa Article 458 ng Local Government Code, may kapangyarihan ang bawat Local Government Unit na i-regulate ang operasyon ng mga pampublikong sasakyan kabilang na ang tricycle at magbigay ng prangkisa na naaayon sa panuntunan ng Department of Transportation and Communications o DOTC.