PAGTATAYO NG IP VILLAGE SA BAYAN NG RIZAL, SISIMULAN NA

Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery

Sisimulan na ngayong buwan ng Marso ang pagtatayo ng Indigenous Peoples (IP) Village na ilalagay sa 55 ektaryang lupain sa sitio Bayabas, barangay Bunog, sa bayan ng Rizal. Tinatayang nasa isang daang pamilya mula sa IP community ang napiling benepisyaryo ng proyekto kung saan ang bawat pamilya ay bibigyan ng sariling lupa at bahay na may sukat na 100 metro kwadrado (sqm).

Ang groundbreaking ceremony para sa pagsisimula ng konstruksiyon ng IP Village ay ginanap noong ika-20 ng Marso. Ito ay pinangunahan ni Bise Gobernador Dennis M. Socrates katuwang sina Department Of Health (DOH) Assistant Secretary Maria Francia Laxamana, DOH Regional Director Mario Baquilod, Gng. Marvi Trudeau ng Pilipinas Shell Foundation Inc., Dra. Mary Ann Navarro ng Provincial Health Office, National Malaria Coordinator Dr. Raffy Deray at Rizal Mayor Norman S. Ong.

Layon ng pagtatayo ng IP Village na mabigyang solusyon ang tumataas na kaso ng malaria sa nasabing bayan. Sa pamamagitan nito ay mas mapapabilis ang paghahatid ng serbisyong pangkalusugan ng Pamalahaang Panlalawigan sa pakikipagtulungan sa DOH sa komunidad ng mga katutubo.

“Ang plano ni Gov. dito, lahat ng mga IPs ay mabigyan ng hanapbuhay… Nandito ang Department of Health para mag-provide ng Barangay Health Station; nag-usap na kami ni Mayor na mag-provide ng school buildings… Si Gov. namigay na ng mga Solar Home System para sa bahay at palalagyan ng street lighting para during construction maliwanag dito,” ayon kay Engr. Saylito Purisima, hepe ng Infrastructure Sector ng Pamahalaang Panlalawigan.

Ayon naman kay Mayor Ong, isa ang kanilang bayan sa may pinakamataas na kaso ng malaria sa bansa, kaya’t malaki ang pasasalamat niya dahil napili ang kanilang bayan upang maging “pilot project site” ng IP Village.

Ang IP Village ay magkatuwang na proyekto ng DOH, Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan, Pilipinas Shell Foundation Inc., Center For Health Development IV-B, lokal na pamahalaan ng Rizal at pamahalaang barangay ng Bunog.

Layunin ng Pamahalaang Panlalawigan na matuldukan na ang sakit na malaria sa buong lalawigan ng Palawan sa taong 2022.