YOUTH CONGRESS MATAGUMPAY NA ISINAGAWA SA BAYAN NG EL NIDO

Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery

Mahigit sa 150 mga kabataan na binubuo ng mga mag-aaral, opisyales ng Sangguniang Kabataan (SK) ng mga barangay at mga out-of-school youth ang dumalo sa isinagawang Youth Congress sa munisipyo ng El Nido noong ika-18 ng Marso, taong kasalukuyan.

Ang naturang aktibidad ay pinangunahan ng pamahalaang lokal ng naturang bayan sa pamamagitan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) katuwang ang SK municipal federation sa pangunguna ng kanilang federation president na si Hon. Jestoni M. Enor.

Bahagi ng makabuluhang aktbidad ang pagkakaroon ng malayang talakayan at pagbabahagi ng kaalaman para sa mga kabataan ng El Nido, kung saan ay naimbitahan upang maging tagapagsalita ang ilang kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan upang magbahagi ng ilang paksa patungkol sa kalagayang pangkalusugan ng mga kabataan.

Ilan sa mga paksang tinalakay ay ang “Human Immuno Virus (HIV)-Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS)” na pinangunahan ni G. Dennis Abacial ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) dahil na rin sa pagtaas ng kaso ng naturang sakit sa lalawigan na karaniwang biktima ay mga kabataan; “Early Pregnancy” o ang maagang pabubuntis ng mga kababaihan na wala pa sa hustong gulang at “Sexual and Reproductive Health Rights among Adolescents” na tinalakay ni Gng. Jenevil Tombaga, maternal health program manager ng Provincial Health Office (PHO); at “Drug Abuse and Prevention, Counter Terrorism at Human Trafficking” na ibinahagi ng naanyayahang tagapagsalita mula sa Kapulisan.

Samantala, nagsagawa rin ng HIV testing at counseling ang PHO sa pangunguna ng kanilang HIV/AIDS program manager na si Meyrick Garces kasama si Gng. Norry Fe-Ann Payopelin, medical technologist II.

Lubos naman ang pasasalamat na ibinigay ng pamahalaang lokal ng El Nido sa mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan dahil sa kanilang pakikipagtulungan upang maitaguyod ang kalusugan ng mga kabataang Palaweño. Hinihikayat naman ni Gng. Tombaga ang iba pang opisyales ng Sangguniang Kabataan sa Palawan na bigyang pansin ang usapin ng kalusugan katulad ng isinakatuparan ng munisipyo ng El Nido.