FOOD HANDLERS AT OPERATORS SA BAYAN NG RIZAL, SUMAILALIM SA FOOD SAFETY AND SANITATION MANAGEMENT TRAINING

Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery

Nasa mahigit limampung food handlers kabilang na ang mga may-ari ng restaurants, cafeteria, water refilling stations at bakeshops sa munisipyo ng Rizal ang sumailalim kamakailan sa tatlong araw na pagsasanay patungkol sa wastong kalinisan sa paghahanda ng pagkain at seguridad para dito.

Ang naturang aktibidad ay magkatuwang na itinaguyod ng Pamahalaang Lokal ng nabanggit na bayan at Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pamamagitan ng Provincial Health Office (PHO) sa pakikipagtulungan ng Department of Trade and Industry (DTI)-Palawan.

Ayon kay Gng. Elvie R. Lao, Volunteer Barangay Sanitation Inspector (VBSI) program manager ng PHO, naanyayahan ang kanilang tanggapan upang maging tagapagsalita sa naturang pagsasanay at magbahagi ng ilang paksa patungkol sa wastong pagpapanitili ng kalinisan sa lugar partikular na sa paghahanda ng pagkain.

“Nag conduct tayo ng food safety and sanitation training sa Rizal last time para sa mga food operators like owner ng restaurants, cafeteria o carinderia sinama na rin natin yung mga water refilling stations at bakeshops, kasi kailangan ito nila lalo na for food safety ng kanilang lugar.”

Aniya, ilan sa mga paksang binigyang pansin sa pagsasanay ay ang proper hand washing, hazard foods, cross contamination, preventive cross contamination, personal hygiene, food content, food preparation, pest control at food safety legislation sakaling magkaroon ng paglabag ang ilang food operators sa safety at sanitation.

Dinagdag pa ni Gng. Lao na bukod sa kanya ay naimbitahan ring magbahagi ng kaalaman sina G. Arnold Flores at G. Nelson Virgo na pawang mga kawani ng PHO sa ilalim ng Environment and Sanitation Program.

Ang pagsasagawa ng naturang aktibidad ay isang hakbang upang mapangalagaan ang kapakanan ng kalusugan ng bawat mamamayan sa anumang banta ng panganib dulot ng maruming kapaligiran. Ito ay alinsunod sa Republic Act 10611 o “An act to Strengthen the Food Safety Regulatory System in the country to Protect Consumer Health and Facilitate Market Access of Local Foods and Food Products” o mas kilala bilang “Food and Safety Act of 2013.”