KASO NG MATERNAL DEATH SA PALAWAN, BAHAGYANG BUMABA; IMPLEMENTASYON NG PROGRAMA PARA DITO MAS PAIIGTINGIN

Blog Single

Bahagyang bumaba ang kaso ng maternal death sa Palawan, ito ay ayon sa datos ng Provincial Health Office (PHO).

Napag-alaman mula kay Gng. Jenevil Tombaga, maternal health program manager ng PHO, na mayroong 19 na kaso ng maternal death na naitala nitong taong 2018, mas mababa kumpara noong taong 2017 na may 21 na kaso. Gayunpaman, ay nagpapatuloy ang kanilang kampanya para maiwasan ang pagkamatay ng mga kababaihan sa mga kanayunan dulot ng pagbubuntis o panganganak ng mga ito.

“Siyempre medyo okay siya kasi bumaba ang cases natin, pero hindi pa rin tayo masaya kasi may namamatay pa rin, nakakalungkot pa rin ‘yon. Kaya tayo mas intensified ‘yong implementation natin ng program sa mga munisipyo para dito,” ani Gng. Tombaga.

Aniya, isa sa mga paraan upang maipaabot ang wastong kaalaman sa pangangalaga sa kalusugan ng mga buntis ay ang pagsasagawa ng Couple’s Congress sa mga munisipyo. Ito ay isang malayang talakayan at pagbabahagi ng kaalaman sa mga mag-asawa kaugnay sa pagkakaroon ng malusog na pamilya.

Pangunahing layunin ng gawaing ito na matugunan ang tumataas na bilang ng naitatalang kaso ng maternal death gayundin ang maagang pagbubuntis ng mga kabataan o ang teenage pregnancy.

Kaugnay nito ay nagsasagawa ang PHO ng serye ng Couple’s Congress sa mga munisipyo kung saan bahagi nito ang pagbibigay ng pre-natal services tulad ng check-up upang malaman ang estado ng kalusugan ng mga buntis gayundin ang pamamahagi ng Buntis kit.

Ayon pa kay Gng.Tombaga, malaki rin ang tulong na ibinibigay ng pamahalaang lokal ng bawat munisipyo sa lalawigan kaugnay sa pagpapatupad ng mga programa para sa kalusugan ng mga buntis sa Palawan.

Ang Couple’s Congress ay bahagi ng mas pinalawak na pagpapatupad ng Responsible Parenthood and Reproductive Health (RPRH) sa Palawan upang itaguyod ang kalusugan ng bawat pamilyang Palaweño. Saklaw nito ang pagtataguyod ng kalagayan ng mga ina upang mabigyan ng tamang kalinga upang hindi mauwi sa anumang panganib ang kanilang kalusugan lalo na ang pagkamatay dahil sa pagbubuntis.