TATLONG KARAGDAGANG MUNISIPYO SA PALAWAN KABILANG NA SA NAIDEKLARANG DRUG CLEARED MUNICIPALITIES

Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery

Nasa siyam (9) na munisipyo na sa lalawigan ng Palawan ang deklarado na “Drug Cleared Municipality.”

Sa isinagawang Regional Oversight Committee Validation/Declaration of Drug Cleared Barangays and Municipalities na ginanap noong ika-26 ng Marso, taong kasalukuyan sa lungsod ng Puerto Princesa, tatlong munisipyo sa lalawigan ng Palawan ang naidagdag sa listahan ng mga naideklarang drug cleared municipalities sa lalawigan ng Palawan. Ang mga ito ay ang bayan ng Quezon, Kalayaan at Linapacan. Kabilang na ito sa mga nauna nang naideklarang mga munisipyo na drug cleared tulad ng Dumaran, Cuyo, Cagayancillo, Araceli, Magsaysay at Busuanga.

Sa datos na hawak ng Provincial Anti-Drug Abuse Program (PADAP) na iprinisenta kay Gobernador Jose Ch. Alvarez umaabot na sa 104 ang drug cleared barangay sa kabuoang bilang na 367 barangay ng Palawan.

Ayon kay PDEA Regional Director Mario Da Ramos, inaasahan na ang MIMAROPA ang kauna-unahang maidedeklarang drug cleared na rehiyon sa bansa kaya’t nais niya na masigasig ang pagkilos ng mga ahensya laban sa ipinagbabawal na droga base na rin sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kabilang sa mga bumubuo ng Regional Oversight Committee Validation/Declaration of Drug Cleared Barangays and Municipalities ay ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan, Philippine National Police at Department of Interior and Local Government (DILG).