TANGGAPAN NG PROVINCIAL ASSESSOR PUSPUSAN ANG PAGTATASA SA MGA ARI-ARIANG DI NATITINAG SA MGA MUNISIPYO

Blog Single

Ibinalita ni Provincial Assessor Euvica M. Colbe na nagsimula na ang kanilang validation o pagtatasa sa lahat ng istraktura at appraisal ng mga ari-ariang di natitinag o real property sa mga munisipyo.

“Nagsimula kami sa mga island municipalities to take advantage of the pleasant weather ngayong tag-init. Sinusuyod namin bawat barangay sa bawat munisipyo hanggang sa pinakamaliit na isla,” ani Gng. Colbe.

Aniya, una nilang tinungo ang mga munisipyo ng Linapacan at Coron at isusunod nila ang mga munisipyo ng Agutaya, Cuyo at Magsaysay sa unang lingo ng Abril. Pagkatapos nito ay sunod nilang tutunguhin ang bayan ng EL Nido.

“Pero magtatagal kami sa Coron dahil marami kaming nakitang mga bagong structure na itinayo at mga pagbabago sa mga ari-arian.”

Hinihingi ni Gng. Colbe ang kooperasyon at pakikipagtulungan ng mamamayan at mga nagmamay-ari ng mga real properties, mga gusali, kabahayan, makinarya at iba pang may ari-arian na sila’y tanggapin at papasukin upang makapagsagawa sila ng inspeksyon, pagsusuri at tamang pagsukat upang mapadali at makagawa ng tamang pagtatasa.

Samantala, nilinaw rin niya na wala silang hinihinging kabayaran sa kanilang ginagawang pagtatasa. “ Kami ay tagatasa lamang at ang taga-kolekta ng buwis ay ang Tanggapan ng Ingat Yaman ng Lokal na Pamahalaan at Lalawigan.”

Ang general revision sa valuation ng real property ay ginagawa ng Provincial Assessor’s Office kada tatlong (3) taon at binabase nila ito sa deed of sale, sworn statement ng may-ari at iba pang dokumento. Ang mga lupa ay inuuri kung residential, agricultural, commercial, industrial o mineral. Kasama sa binabayarang real property tax ang mga improvements tulad ng bakod, pavements, mga makinarya, equipment, instruments, appliances o apparatus.

Ayon pa kay Gng. Colbe, tututukan ng kanilang validation team na hinati sa dalawang grupo ang mga bayan ng Coron at El Nido na nakitaan ng maraming umusbong na istraktura, gusali, kalakalan at kaunlaran sa kabuhayan dulot ng pag-unlad ng industriya ng turismo sa kanilang lugar.