MUNISIPYO NG SAN VICENTE, MAKAKATANGGAP NG 50 E-TRIKE UNITS MULA SA DOE

Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery

Nakatakdang tumanggap ng 50 electric tricycle (E-Trikes) ngayong buwan ng Abril, taong kasalukuyan ang pamahalaang bayan ng San Vicente mula sa Department of Energy (DOE).

Ayon kay Engr. Gilda Garibay ng Global Green Growth Institute (GGGI), maliban sa bayan ng Brooke’s Point na nauna nang nabenepisyuhan ng programa noong buwan ng Pebrero ay inaprubahan din ang aplikasyon ng San Vicente na mabigyan ng mga naturang E-Trikes mula sa DOE.

“Ngayong linggo idi-deliver na ang E-Trikes nila. Maganda ‘yun kasi door to door delivery yun  [at] walang gagastusin [ang munisipyo],” ani Engr. Garibay. “Usually n’yan ay two batches ang delivery.”

Ang GGGI at Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ay tumulong sa paghahanda at pagsusumite ng mga requirements ng dalawang munisipyo at naging abala sa mga kinakailangang koordinasyon sa ahensya ng pamahalaang-nasyunal upang masiguro na maaprubahan ang naturang aplikasyon.

Magsasagawa naman ng pagsasanay ang DOE at ang supplier na BEMAC Electric Transportation, Inc. para sa mga technicians at mga drayber na benepisyaryo ng programa para sa operasyon at pagmamantine ng naturang mga sasakyan.  

Ang lokal na pamahalaan ng San Vicente ang kikilala sa mga magiging benepisyaryo ng mga E-Trikes, ayon kay Engr. Garibay.

“Ang kasunduan doon ay binigay ng libre sa kanila [munisipyo], dapat ay maparami nila,” paliwanag niya.

Anya, malaking tulong ang mga E-Trikes hindi lamang para sa kalikasan kundi maging sa hanapbuhay ng mga traysikel drayber dahil menos ang gastos sa pagmamantine nito.

“Definitely less na ang pollution nya tapos mas less ang gastos nya kung ikukumpara sa mga ordinaryong tricycle na gumagamit ng gasolina,” ani Engr. Garibay.