ORDINANSA SA IMPLEMENTASYON NG PROGRAMANG CRGGDP SA PALAWAN, PIRMADO NA NI GOB. ALVAREZ

Blog Single

Pormal nang nilagdaan ni Gob. Jose Ch. Alvarez ang ordinansa patungkol sa implementasyon ng programang Climate Resilient Green Growth and Development Program (CRGGDP) para sa lalawigan ng Palawan.

Ang CRGGDP na nilagdaan ng Gobernador noong ika-19 ng Marso ay programang nagtataguyod ng konsepto ng pag-unlad ng ekonomiya habang pinananatili ang estado ng mayabong at mayamang kalikasan ng lalawigan.

Isinasaalang-alang sa Provincial Ordinance No. 2091“Establishing the Guidelines in the Implementation and Utilization of Funds of the Climate Resilient Green Growth and Development Program”, ang pagpapaunlad ng antas ng pamumuhay ng bawat Palaweño habang itinataguyod ang climate change adaptation.

Ang ordinansa ay maglalatag ng balangkas sa paggamit ng pondo at tutukoy sa mga programa at aktibidad na isasagawa sa ilalim ng CRGGDP.

“Ibig-sabihin [nito ay] hindi na lang talaga sya plano [kundi] talagang ii-implement na ng Provincial Government,” pagmamalaki ni Engr. Gilda Garibay ng Global Green Growth Institute (GGGI), isang non-government organization na nagpakilala ng naturang mekanismo ng pag-unlad sa pamamagitan ng CRGG Project noong taong 2015 kung saan katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan at Climate Change Commission (CCC) sa pagpapatupad ng programa.

Noong taong 2017 ay inaprubahan ng Gobernador ang Provincial Ordinance No. 1865 “Prescribing the Climate Resilience and Green Growth Framework for the Province of Palawan” na kung saan kinakailangan na bahagi ng mga pangkaunlarang pagpaplano ng bawat pamahalaang lokal ang konsepto ng sustinable at berdeng pag-unlad.

“Dahil doon sa framework, talagang binigyan ng budget at talagang idinetalye kung ano ‘yung paggagastusan ng budget, ano ‘yung mga projects and activities under the CRGG program,” dagdag pa ni Engr. Garibay.

Nakalatag sa ordinansa ang mga programa tulad ng pagbuo ng CRGG database system, pag-update at pagrebisa ng Provincial Local Climate Change Action Plan (LCCAP), pagbibigay prayoridad sa Comrehensive Land Use Plans (CLUP) ng landscape governance planning framework para sa mga maliliit at islang-munisipyo at green city planning framework para naman sa malalaki at urbanisadong bayan.

Ang landscape governance development framework ay nakatakdang simulan sa Bayan ng Dumaran at ang green city development framework ay una namang ipakikilala sa bayan ng Brooke’s Point.

Nakapaloob din sa ordinansa ang disaster risk reduction and management at climate change adaptation.

Ang mga tinukoy na programang ito ay nakalinya sa layunin ng Pamahalaang Panlalawigan na maibaba ang antas ng kahirapan sa kanayunan sa 25% mula sa 56% poverty index ng lalawigan.

Sa pamamagitan ng mga programang tutugon sa mga pangangailangan ng mga Palaweño ay inaasahang mabebenipisyuhan nito ang mga mahihirap sa kanayunan na sila ring labis na nakararanas ng epekto ng climate change. Ang mga ito ay kinabibilangang ng katutubo, kababaihan, mga pamilyang nakararanas ng kakulangan sa pagkain, kabuhayan at seguridad at mga komunidad na malapit sa panganib.

Ang paglagda sa ordinansa ay ikinatuwa ng GGGI na isa umanong patunay na seryoso ang Pamahalaang Panlalawigan sa inisyatibong magkaroon ng sustinableng pag-unlad, ayon pa kay Engr. Garibay.

Ang Provincial Ordinance No. 2091-2019 ay inaprubahan sa Sangguniang Panlalawigan noong ika-26 ng Pebrero, taong kasalukuyan.