18 REBEL RETURNEES SA PALAWAN, PINAGKALOOBAN NG TULONG PINANSYAL MULA SA PAMAHALAANG PANLALAWIGAN

Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery

Personal na ipinagkaloob ni Gob. Jose Ch. Alvarez ang tig-P25,000 tulong pinansyal (livelihood assistance) para sa labinwalong (18) rebel returnees o mga rebeldeng nagbalik-loob sa pamahalaan kamakailan. Ang naturang seremonya ay ginanap noong ika-8 ng Enero taong kasalukuyan sa Governor’s Conference Room ng gusaling kapitolyo na pinangasiwaan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).

Ang naturang tulong pinansyal ay magsisilbing panimula ng mga benepisyaryo sa kanilang pagbabagong-buhay partikular na ang pangkabuhayan nito upang mapanumbalik ang kanilang dignidad sa kanilang mga komunidad na kinabibilangan.

Katuwang sa programang ito ang pinagsanib na pwersa ng Western Command (WESCOM) gayundin ang 3rd Marine Brigade at iba pang hanay ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Hiniling ng mga otoridad ang ibayong pagtutulungan at pakikiisa upang maging mapayapa na ang bansa.

“Sana tuloy-tuloy na ang inyong pagbabalik loob sa amin,” ani Capt. Lemuel Espartinez, Assistant Chief of Unified Command Staff (ACUCS) for Operations ng Philippine Navy- General Staff Course (PN- GSC) sa ilalim ng WESCOM.

Kaugnay nito, mayroon pang hinihintay na karagdagang tig-P65,000 ang naturang mga rebel returnees mula naman sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na inaasahang matatanggap na mga ito sa lalong madaling panahon ayon kay Gng. Lucita Padul, social welfare officer III ng PSWDO.

Sa mensahe naman na ipinaabot ni PSWD Officer Abigail Ablaña, siniguro niya sa mga benepisyaryo ang kahandaan ng kanilang tanggapan sakaling mangailangan ang mga ito.

“Kung kayo po ay may kailangan pa, huwag po kayong mag-aatubiling lumapit sa Pamahalaang Panlalawigan at sa aming tanggapan dahil nakahanda po kaming ibigay kung ano man po ang inyong mga pangangailangan sa abot ng aming makakaya,” pahayag ni Gng. Ablaña.

Ang pagbibigay ng tulong-pinansyal ay saklaw ng Local Social Integration Program (LSIP) na pinangangasiwaan ng PSWDO na pinagtibay ng isang ordinansa o Provincial Ordinance No. 1540 series of 2015 na may titulong “Establishing the Implementing Guidelines on the Provision of Assistance to Rebel Returnees.” Layon nito na mabigyan ng pagkakataon ang mga rebel returnees sa lalawigan ng Palawan na magbalik-loob sa pamahalaan at maging isang produktibong mamamayan.