KASUNDUAN SA PAGKAKAROON NG BAHAY KANLUNGAN PARA SA MGA BIKTIMA NG HUMAN TRAFFICKING SA PALAWAN, NILAGDAAN

Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery
Standard Post with Gallery

Isang Memorandum of Agreement (MOA) ang nilagdaan kahapon, ika- 3 ng Abril ng taong kasalukuyan  sa pagitan ng Department of Justice (DOJ), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP)  at Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan na nagtatadhana ng pagkakaroon ng isang pasilidad na magsisilbing bahay kanlungan ng mga biktima ng human trafficking at iba pang insidente ng panganib na nangangailangan ng kalinga. Ang pasilidad ay may pangalan na Bahay Kanlungan sa Paliparan.

 

Napag-alaman mula kay Provincial Social Welfare and Development Officer (PSWDO) Abigail D. Ablaňa na ang pasilidad na magsisilbing kanlungan ng mga biktima ng human trafficking ay ilalagak sa lungsod ng Puerto Princesa sa ilalim ng pangangasiwa ng CAAP. Sa katunayan,  ang CAAP ay naglaan ng P30 milyong piso bilang pondo sa ilalim ng Gender and Development program nito na siyang gugugulin sa  pagsasaayos ng naturang imprastraktura.

 

Ang paglagda sa naturang kasunduan ay pinangunahan nina Gob. Jose Ch. Alvarez, DSWD Undersecretary Aimee Torrefranca –Neri), DOJ Assistant Secretary George O. Ortha at Atty. Joseph Rey Gumabon, Assistant Director General ng CAAP, kasama sina  G. Rudger C. Falcis, Executive Director  ng DOJ- Inter Agency Council Against Trafficking (IACAT) at Regional Director Floreceli Gunio ng DSWD –MIMAROPA. Bigo namang makadalo sa naturang aktibidad ang kinatawan mula sa Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa.

 

Samantala, ayon pa kay PSWDO Abigail D. Ablaňa, ang naturang pasilidad ay magkatuwang na itataguyod ng naturang mga ahensiya na magsisilbing pansamantalang tahanan ng mga biktima habang patuloy ang proseso ng mga legal na dokumento ng mga ito.

 

Aniya, nakasaad rin sa naturang kasunduan na ang Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng PSWDO ang mangangasiwa sa naturang pasilidad sa pamamagitan ng paglagak ng kaukulang pondo para sa operasyon para nito kasama ang pagkuha ng karagdang social welfare officer at isang house parent na magiging tagapamahala ng Bahay Kanlungan sa Paliparan.

 

Nakapaloob rin sa naturang kasunduan na ang DOJ-IACAT ang mangangasiwa sa iba’t-ibang serbisyo tulad ng medical at legal assistance gayundin ang education at livelihood skills training sakaling mangailangan ang mga kilyente nito.

 

Samantala, ang DSWD naman ang magkakaloob ng technical assistance sa mga biktima ng human trafficking  kasama na ang pagbibigay ng mga hygiene kits para sa mga ito gayundin ang  pagkain at trasportasyon at iba pang pangangailangan ng isang biktima.